Kagutuman at kakulangan ng trabaho, dapat tutukan ng gobyerno!

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | February 10, 2021
Prayoridad nating mailigtas ang mga nagugutom, maibalik ang kabuhayan ng mga nawalan ng trabaho, at magkaroon ng sapat, ligtas at epektibong bakuna upang matigil na ang pandemya at makabalik na tayo sa normal na pamumuhay.
Binabalanse rin natin ng maigi ang muling pagpapasigla ng ekonomiya at ang patuloy na pag-iingat upang maproteksiyunan ang ating kalusugan.
Isaalang-alang muna natin ang kapakanan ng mga kababayan nating mahihirap, lalo na ‘yung mga isang kahig, isang tuka. Intindihin nating maraming nawalan ng kabuhayan at lahat ‘yan ay may mga pamilyang pinapakain. Huwag natin hayaan na may magugutom at sikapin nating mapagaan ang hirap na pinapasan nila ngayon.
Kaya nakababahala ang mga ulat na merong mga iilan na hindi sumusunod sa itinakdang price ceiling sa baboy at manok na iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte. Umaapela tayo sa pribadong sektor, tulad ng mga traders ng pork, na makipagtulungan sa gobyerno at sumunod sa patakaran dahil kapakanan ng nakararami ang dapat nating unahin palagi.
Umaapela rin tayo sa gobyerno, lalo na sa Department of Agriculture, na gawin ang lahat upang mapagaan ang hirap na pinapasan ng mga ordinaryong Pilipino. Kung pupuwede ay patuloy kayong magbigay ng subsidy o tulong para sa transportasyon ng mga baboy at iba pang produktong pagkain para maisaayos ang presyo at supply ng mga bilihin.
Nakababahala rin ngayon ang isyu sa kuryente. Kaya umapela tayo sa mga power distributors na pahabain pa ang inyong pisi at magbigay pa ng palugit para sa mga kababayan nating hindi pa nakakabayad lalo na ang mga lifeliners o maliliit lang naman ang konsumo.
Sa panahon na maraming naghihirap, huwag muna natin isipin paano kumita. Ang isipin muna natin ngayon ay kung paano makakatulong na malampasan ang krisis. Unahin natin ang buhay at kapakanan ng kapwa nating Pilipino dahil ang pera ay kikitain kung magsisikap tayo, pero ang buhay ay hindi po mabibili — a life lost is a life lost forever.
Kaunting puso lang para sa mga naghihirap nating kababayan.Magmalasakit tayo sa isa’t isa. Huwag pabayaang may maiwan sa daan tungo sa ating muling pagbangon. Dapat magtulungan tayo para masigurong patuloy ang mga serbisyo na kinakailangan sa araw-araw.
At para naman tuluyang masugpo ang COVID-19, walang tigil din ang ating trabaho upang siguruhing makakuha tayo ng sapat, ligtas, at epektibong mga bakuna.
Sa lahat ng ating mga kababayan, kaunting tiis lang.
Magbayanihan tayo para maproteksiyunan ang buhay ng bawat Pilipino!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.





Comments