Kabi-kabila na ang bakuna kontra COVID-19, alin ang tunay, epektib at ligtas?
- BULGAR

- Dec 10, 2020
- 2 min read
ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | December 10, 2020
Bakuna kontra COVID-19. ‘Yan ang madalas mapag-usapan ngayong may mga kumpanya na handang mag-alok, mag-trials at magbenta ng kani-kanilang bakuna.
Ang Indonesia ay nakatanggap na ng 1.2 milyong doses ng bakuna mula sa kumpanyang Sinovac Biotech ng China. Inaayos na ang kanilang gagawing programa para sa pagbigay ng bakuna. May makatatanggap ng libre, may mga magbabayad. May 1.8 milyong doses pa ang darating sa kanila sa Enero. Ang UK ay handa na ring bigyan ng bakuna ang kanilang mamamayan. Pfizer/BioNTech ang kumpanyang pagmumulan ng bakuna.
Nataon namang may lumabas na artikulo sa Washington Post sa Amerika na may kasaysayan ng panunuhol ang Sinovac Biotech. Ang pagsuhol sa ilang opisyal ng China ay para sila ang mangibabaw na kumpanya pagdating sa paglikha ng bakuna. Sa madaling salita, para mas nakikilala ang kumpanya. Ang Sinovac Biotech ang isa sa mga kumpanyang pinag-iisipan ng administrasyon para mag-supply ng bakuna kontra COVID. Ang ibang mga kumpanya ay Sinopharm at Clover galing China, Gamaleya mula Russia, Janssen mula Belgium, Astra Zeneca mula UK. Ang bakuna ng Pfizer/BioNTech ay kailangang maimbak sa napakalamig na temperatura. Walang kakayanan sa ngayon ang bansa para maimbak sa -70 Celsius ang bakuna. Pero sila ang unang nagpahayag na ang kanilang bakuna ay may epektibong 90%.
Kaya ang tanong, handa na ba kayong magpabakuna? Ang hamon ni Sen. Bong Go kina DOH Sec. Duque at vaccine czar Carlito Galvez Jr. ay sila ang unang magbakuna para ipakita sa taumbayan na ligtas ang mga ito. Pumayag na si Duque at ibinalik din ang hamon sa lahat ng miyembro ng gabinete. Wala pang balita kung ano ang kanilang sagot. Marami rin tayong nakakausap na hindi pa sila handang magpabakuna ngayon. May nagsasabing masyadong mabilis ang paglikha ng bakuna, may nagtatanong kung talagang walang side-effects at may nagtatanong kung pangmatagalan na ang proteksiyon. Ito ang bunga na rin ng kontrobersiya ng Dengvaxia, na sa aking palagay ay napulitika nang husto ang isyu.
Ang target ng gobyerno ay mapabakunahan ang 60-70 milyong tao, para magkaroon ng tinatawag na “herd immunity” kung saan mas mababawasan ang mahahawaan ng virus kaya kusang mawawala na lang. Maganda kung ganyan ang mangyayari. Sana lang ay pag-aralan at siyasatin nang husto ang mga inaalok na bakuna sa bansa. Mamamayan ang dapat isipin, ang mamamayan ang dapat makinabang at hindi ang bansang pagmumulan ng bakuna. Dapat makumbinsi ang marami na ligtas at epektibo ang mga bakuna.





Comments