top of page

Kabataan, lumayo sa droga para manatiling fit at healthy

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jun 26
  • 4 min read

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | June 26, 2025



Bisyo Magserbisyo ni Bong Go

Bilang Chairman ng Senate Committee on Sports at isa ring atleta at sports enthusiast, suportado ng inyong Senator Kuya Bong Go ang mga batas, programa, at inisyatiba na magpapalakas sa sports sa ating mga komunidad. Napakahalaga na mahikayat ang ating kapwa Pilipino na magkaroon ng aktibong lifestyle at sumabak sa sports kung kaya pa ng ating katawan.


Bilang Chairman ng Senate Committees on Health at on Youth, naniniwala ako na konektado ang lahat ng ito. Kapag healthy at physically fit, mas hahaba ang ating buhay. Isa rin itong epektibong paraan para mailayo ang ating kabataan sa impluwensya ng ilegal na droga. Get into sports, stay away from drugs, to keep us healthy and fit!


Ang inyong Mr. Malasakit ay 51 years old na pero hindi ito sapat na dahilan para hindi maging active sa sports, lalo na’t nakakadagdag ang exercise ng enerhiya para makatugon tayo sa aking paglilingkod sa bayan. At tulad ng maraming Pilipino, basta may oras, sumasabak tayo sa iba’t ibang sport.


Nito mga nakaraang araw, habang sunud-sunod ang schedule natin sa paghahatid ng kaunting tulong sa mga kapwang nangangailangan, may oras pa rin tayo sa mga sporting events. 


Naimbitahan tayo noong June 21 para sa pagbubukas ng 50-Up Basketball League sa Cainta. Inisyatiba ito ng brodkaster na si Aljo Bendijo, na nilahukan ng mga manlalarong edad 50 pataas mula sa Pasig City, at mga bayan ng Cainta at Taytay sa Rizal. 


Noong June 22 naman ay nakiisa rin tayo sa Still Got Game (SGG) 50-Up Division na ginanap sa Mandaluyong City, kung saan nakasama natin ang mga kapwa alumni ng La

Salle Greenhills, at ilang local officials.


Kamakailan lang, guest of honor and speaker tayo sa 5th Founding Anniversary ng National Academy of Sports sa New Clark City. Labis ang aking tuwa sa pagdalo dahil pangarap ko lamang dati para kabataang Pilipino ang isang campus na nagkakaloob ng secondary education na may sports-focused curriculum. Dahil sa NAS, hindi masasakripisyo ang pag-aaral ng ating student-athletes habang tuloy ang kanilang training. Tayo ang may-akda at co-sponsor ng Republic Act 11470 na lumikha sa NAS. 


Ang pangarap ko naman ngayon ay magkaroon din ng NAS campus sa Visayas at Mindanao para sa mga mahihirap nating student-athletes doon. Sana balang araw ay makita ang ating NAS graduates na iwinawagayway ang ating bandila sa Olympics at iba pang global sports competitions at makapag-uwi ng karangalan sa ating bansa.


Samantala, hindi naman tayo tumitigil sa paghahatid ng serbisyo bukod sa ating mga gawain sa Senado. Pinangunahan natin noong June 16 ang ribbon-cutting ceremony ng itinayong Super Health Center sa Initao, Misamis Oriental katuwang si Mayor Grace Acain. Binisita at hinatidan natin ng tulong ang 348 residente ng Iligan City na nawalan ng tirahan sanhi ng Bagyong Kristine. 


Nakatanggap din ang mga ito ng karagdagang tulong mula sa national government sa ilalim ng programang ating isinulong at sinuportahan para may pambili sila ng materyales sa pagpapakumpuni ng kanilang tahanan. Nakiisa rin tayo sa pagdiriwang ng 75th Araw ng Iligan, sa paanyaya ni Mayor Frederick Siao.


Bilang Vice Chairperson ng Senate Committee on Finance at miyembro ng Senate Committee on Higher Education, sinuportahan natin ang proyekto ng University of the Philippines – Mindanao, ang kanilang bagong School of Management Building, at dumalo tayo sa inagurasyon nito sa Davao City kasama si Chancellor Professor Lyre Murao noong June 17.


Binisita natin noong June 18 ang 68 residenteng biktima ng sunog sa Mandaue City, Cebu. Naging panauhin din tayo sa ginanap na Philippine Councilors’ League - Region VII Term-End Assembly sa paanyaya ni Chairman Councilor Mark Aurelia.


Naghatid naman ang aking Malasakit Team ng tulong sa ating mga kababayan sa iba’t ibang lugar sa ating bansa. Agad tayong umalalay sa 96 residenteng naging biktima ng insidente ng sunog sa Iligan City, at 148 sa Cagayan de Oro City.


Nagbigay din tayo ng karagdagang tulong sa 93 residenteng biktima ng sunog sa Bacolod City, Negros Occidental. Nakatanggap din ang mga ito ng tulong mula sa national government sa ilalim ng programang ating isinulong at sinuportahan para maipaayos nilang muli ang kanilang tirahan.


Nagkaloob naman tayo ng tulong sa 203 scholars mula sa iba’t ibang kolehiyo at unibersidad sa Metro Manila. Sinaksihan ng aking tanggapan, kasama ang Call Center Academy, ang ginanap na Technical Vocational Graduation sa Cebu City, at nagbigay tayo ng regalo sa 125 graduates. Dumalo rin tayo sa J.H. Cerilles State College – Dumingag Campus 26th Commencement Exercises sa Zamboanga del Sur; at sa Caraga State University – Cabadbaran Campus 27th Commencement Exercises sa Agusan del Norte.


Sinaksihan naman ng aking tanggapan ang turnover ng itinayong tulay sa Brgy. Tambis, Barobo, Surigao del Sur, kasama si Mayor Joey Pama; at ang turnover ng Super Health Center sa Maasim, Sarangani kasama si Mayor Zyrex Pacquiao.


Bilang inyong Mr. Malasakit, patuloy kong isusulong ang mga programang magpapaunlad sa ating sports sector. Bisyo ko ang magserbisyo, at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.


Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page