Kabaitan, ‘wag ipagkait bagkus pairalin sa kapwa
- BULGAR

- 3 hours ago
- 4 min read
ni Judith Sto. Domingo @Asintado | November 7, 2025

Mambabasa man tayo ng Bibliya o hindi pa, may napapanahong tagunton doon, sa Kawikaan 3:27: “Huwag mong ikait ang mabuti sa kinauukulan, pagka-nasa kapangyarihan ng iyong kamay na ito’y gawin.” Mungkahi ng bersikulong iyon na maglaan tayo ng kabaitan sa kapwa lalo pa kung ating makakaya. Maituturing pa nga itong tungkulin imbes na hamak na pagkakataon lamang.
Angkop ang usaping ito hindi lamang dahil World Kindness Day muli sa darating na Huwebes, ika-13 ng Nobyembre, sa maraming bahagi ng mundo. Bagkus ay karapat-dapat mapagmuni-muniha’t matalakay ito dahil sa rumaragasang salimuot sa kasalukuyan. Kung tutuusin, maituturing na ang kakulangan ng dalisay na kabaitan ang dahilan kung kaya’t laganap ang kaguluha’t pinsalang naidudulot ng isa’t isa sa ating bansa at maging sa ibang mga lupalop sa daigdig.
Bata pa lang tayo ay kabilang na sa mga itinuturo sa natin ang kagandahang-asal at ang kahalagahan nito sa sangkatauhan. Ngunit sa dami ng karanasan, responsibilidad o karangyaang maaaring matamo sa paglipas at matuling takbo ng panahon, tila natatabunan nang matindi ang ating likas na kakayanang maging mabait. Malinaw naman kung paano maging mabuting nilalang, ngunit tila nauuwi pa rin ang marami sa samu’t saring kamunduhan, na kapag nasita ay isisisi sa kamot-ulong pagsambit ng, “Tao lamang.”
Maraming kaparaanan upang makapag-alay ng kabaitan, at halos bawat sandali ay may kalakip na pagkakataon para rito. Marahil ay mainam din na ating isa-isahin ang nararapat na makatanggap ng ating bait.
Nariyan ang ibang tao, mga indibidwal na hindi natin kakilala o kaya’y ’di makikilala ngunit maaaring maapektuhan o maimpluwensya ang buhay sa pamamagitan ng ating mga gawain o adhikain. Sila ang mga binabaybay ang lansangan o kaya’y naglilinis at nagpapanatili nito. Sila ang mga naninilbihan para sa mga pampublikong sasakyan at maging ang kapwa mga pasahero ng jeep, bus, tren, motor at iba pa. Sila ang nagbebenta o nagkakaloob ng ating mga pangangailangang serbisyo o mga bagay, sa mga tindahan man, sa mga restawran o karinderya, sa pagawaan ng makukumpuning mga kasangkapan, sa mga beauty parlor o barberya, sa mga nasa presinto o himpilang
pang-bumbero, at sa kung saan pa.
Kung may pagkakataon nga namang makapag-alay ng kagandahang asal o kabutihang-loob sa kanila o sa iba pa, estranghero man na baka pa nga’y iba ang pagkatao sa atin at marahil pa ay 'di natin makikita muli sa ating buhay o kaya'y ’di makakaalam na sila'y ating natulungan, aba’y huwag ipagkait ang pagiging mabait. Kung tayo pa nga ay may matimbang na kapangyarihan na makaaapekto ng daan-daan o libu-libong mamamayan, mas lalo nating isaisip at isapuso ang kabaitan, at iwaksi ang anumang bahid ng kasakiman na, sa bandang huli, ay makapipinsala, makapapanakit o, mas malala, makababawi pa ng inosenteng mga buhay.
Siyempre, ang kinakailangan ding makatanggap ng kabaitan natin ay ang ating mga mahal sa buhay, pati na ang matalik na mga kaibigan. Kadalasan, dahil sila’y araw-araw nating kasama’t nakakasalamuha ang ating mga kapamilya’t katsokaran ay tila mas nagiging maiksi ang pisi ng ating pasensiya’t pag-unawa para sa kanila. Ngunit dahil ganoon ang kanilang estado sa ating buhay, lalo silang karapat-dapat na paglaanan ng kabaitan o kahit manaka-nakang pagtitimpi, masuklian man nila ito sa lalong madaling panahon o kahit tila abutin pa ng pagputi ng uwak.
Bukod pa sa mga iyan ay huwag nating kaligtaang maging mabait sa ating sarili. Sa gitna ng pag-aaruga at pagsusubaybay sa iba ay ’wag tayong makawaglit sa pagkalinga sa ating katawan, isipan, kalooban at damdamin. Marami ang paraan upang maipatotoo iyon nang hindi mauuwi sa kalabisan o pag-abuso, gaya ng pag-eehersisyo imbes na tumunganga o bumabad sa Internet, pagkain nang tama’t wasto imbes ng mapanganib sa kalusugan, pagtulog nang sapat at pag-iwas sa pagpupuyat, at sa tuwinang pagpahinga imbes na walang humpay sa pagkayod na tila wala ng bukas.
Kinakailangan din nating pagmalasakitan ang ating kapaligiran, hindi lamang ang ating mga bakuran o kalyeng tinitirhan kundi ang malawakang daigdig. Kung ating isasadiwa ang kahalagahan ng kalikasan at planeta, iiwasan nating mag-iwan o mapuntahan ng anumang karumal-dumal na kalat o basura ang mga kalye, dagat, gubat, ilog, lupain at iba pang mga panlabas na espasyo. Kung ayaw nating makakita ng kalayakan sa ating bahay, dapat ay hindi rin natin taniman ng kaaligutgutan ang sanlibutan na siya nating malawakang tahanan. Isama na natin sa paglalaanan ng kabaitan ang ating kapuwa mga nilalang, ang iba’t ibang uri ng hayop at maging ang sari-saring mga halaman at puno na pareho nating mga naninirahan sa mundong ito.
Pero bukod sa mga nabanggit, kanino pa tayo dapat maging mabait? Sa Maykapal, sa Panginoon. Sa pamamagitan ng ating pagdasal, sa mga iniisip, kilos at galaw, pananalig at pakikipagkawangggawa ay makapagpapamalas tayo ng kabaitan sa Diyos. Ituring din natin na isang napakalaking biyaya na tayo’y mabigyan araw-araw ng bagong pagkakataon upang maging mabait sa Kaniya at sa iba.
Madali ngunit mapaghamon ang pagpapakabait, na tila ba’y tumatahak ng napakataas at napakatarik na bundok. Ngunit kung tayo’y magtitiwala’t mananalig, at tutulungan ang isa’t isa, mas magiging bukal at magaan ang paglaan ng kabaitan.
Kung mamuhunan lamang tayo ng kabaitan sa bawat oras sa bawat araw, maaaring magbunga ito ng isang sansinukob na mapayapa’t tunay na maaliwalas at hindi nababalutan ng pagkabalisa’t pagkamuhi. Unti-unti, sa malaki man o kahit napakaliit na paraan, ang maiaalay nating mga punla ng kabaitan ay posibleng umusbong at magbunga ng kasaganahang pangmaramihan at makapagpalawak at makaparikit pa ng karagatan ng kabutihan.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.








Comments