Kaalaman tungkol sa serbisyong legal ng PAO
- BULGAR
- Sep 23, 2022
- 3 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | September 23, 2022
Dear Chief Acosta,
Nais ko sanang humingi ng tulong para sa nobyo ko na kinasuhan ng nanay ng kanyang anak. Ano ba ang kailangan niyang ipresenta sa inyong tanggapan para mabigyan siya ng legal na tulong? Wala kasi siyang trabaho sa ngayon. Magkakaroon din kaya ng problema kung sakaling nakalapit na ang nanay ng kanyang anak sa inyong opisina? - Nimpha
Dear Nimpha,
Ang aming Tanggapan na Public Attorney's Office (PAO) ay nagbibigay ng libreng serbisyong legal para sa mga maralita at iba pang mga kuwalipikadong tao. Upang mabigyan ng kagyat at angkop na legal na tulong ang iyong nobyo kaugnay sa kaso na isinampa laban sa kanya ng nanay ng kanyang anak, magsadya lamang kayo sa pinakamalapit na sangay ng PAO sa inyong lugar.
Karaniwang matatagpuan ang PAO district offices sa loob o malapit sa munisipyo, kapitolyo, city hall o mga hall of justice ng bawat bayan, siyudad o probinsya. Pinakamainam na dalhin ninyo ang mga dokumento na mayroong kaugnayan sa nabanggit ninyong kaso upang ito ay mapag-aralan ng abogado na maitatalaga sa iyong nobyo.
Maliban sa nabanggit, magiging mainam din na magdala kayo ng katibayan ng kinikita ng iyong nobyo sa inyong pagbisita sa PAO district office upang matingnan kung siya ba ay kwalipikado upang maging kliyente ng aming opisina. Ito ay alinsunod sa Artikulo 3, Chapter II ng aming 2021 Binagong Manwal Para sa Operasyon ng Tanggapan ng Abogado ng Bayan o Public Attorney's Office (PAO) [2021 Binagong Manwal]:
“x x x
Upang matiyak na iyon lamang mga kwalipikado ang mabibigyan ng libreng serbisyong legal at representasyon sa mga hukuman at iba pang mala-hukumang ahensya (quasi-judicial bodies), at upang magbigay ng gabay nang matiyak ang uri ng mga kaltas, ang aplikante ay kinakailangang magsagawa ng kanyang salaysay na siya ay maralita (Affidavit of lndigency), at magsumite ng mga sumusunod na dokumento:
1. Pinakahuling ulat ng buwis sa kita (Income Tax Return) o katibayan ng sweldo (pay slip), at iba pang patunay na nagpapakita ng net income;
2. Katunayan ng Pagkamaralita (Certificate of Indigency) mula sa Kagawaran ng Kagalingan at Pagpapaunlad Panlipunan (Department of Social Welfare and Development [DSWD]), o City/Municipal Social Welfare and Development Office na mayroong hurisdiksyon o nakakasakop sa lugar kung saan nakatira ang aplikante; o,
3. Katunayan ng Pagkamaralita at/o Walang Kita (Certificate of Indigency and/or No Income) mula sa Tanggapan ng Punong Barangay/Barangay Chairperson na mayroong hurisdiksyon o nakakasakop sa lugar kung saan nakatira ang aplikante.
x x x”
Subalit nais naming bigyang-diin na kung nauna nang nakalapit ang nanay ng anak ng iyong nobyo sa aming Tanggapan at siya ay nabigyan na ng masusing legal na pagpapayo at/o legal na representasyon ay hindi na maaaring matulungan ng aming opisina ang iyong nobyo sapagkat magkakaroon ng conflict of interest. Ipinagbabawal ang pagrerepresenta ng magkasalungat na interes. Sa katunayan, ito ay nakasaad sa Artikulo 8, Chapter II ng aming 2021 Binagong Manwal:
“ARTIKULO 8. Mga Kasong Hindi Dapat Hawakan. Ang mga Manananggol Pambayan ay hindi dapat magbigay ng serbisyong legal sa mga kliyente na ang kaso ay gaya ng sumusunod:
1. Kung mayroong tinatawag na magkasalungat na interes (conflict of interests) sa kasong hinawakan o hinahawakan at legal na serbisyo na ibinigay o ibinibigay ng isang Manananggol Pambayan;
x x x”
Gayunman, maaari ninyo ring subukan na lumapit sa ibang tanggapan/organisasyon/asosasyon na nagbibigay ng libreng serbisyong legal o sa mga unibersidad o kolehiyo na mayroong mga programang free legal aid.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.




Comments