JOSHUA AT CHARLIE, BAGONG JOHN LLOYD-BEA NG DOS
ni Julie Bonifacio - @Winner | November 12, 2021

Nabigla ang mga Kapamilya stars na sina Joshua Garcia at Charlie Dizon nang bansagan sila bilang bagong Bea Alonzo at John Lloyd Cruz sa mediacon ng kauna-unahang serye na pagtatambalan nila under ABS-CBN Entertainment titled Viral Scandal kahapon.
Pareho raw kasing mahusay umarte sina Joshua at Charlie gaya nina Bea at Lloydie nu’ng nagsisimula pa ang dalawa sa ABS-CBN.
“Naku! Sino po ang nagsabi? Hahaha! Ako, siyempre, nakakakilig naman na marinig ‘yun na nako-compare kami kay Mr. John Lloyd at kay Ms. Bea. Uh, nakakahiya rin kapag nalaman nila ‘yun. Parang nahihiya ako sa kanila. Pero siguro, thankful po ako na ayun ang nakikita ng mga tao. At the same time, nakaka-pressure rin po. And sana rin, makita nila talaga kami bilang Charlie and Joshua po,” paliwanag ni Charlie.
Itong si Joshua, noon pa man, marami na ang nagsasabi na siya ang batang John Lloyd Cruz.
“Ilang beses ko na kasing narinig ‘yun, eh. Dejavu ‘yung feeling. Kung sakali na ganu'n talaga ang iniisip ng mga tao, kung sakali man na ganu'n ang iniisip nila, well siyempre, thankful si Charlie, thankful din ako siyempre. Siyempre, mabibigat na mga artista ‘yun, ‘di ba? Kilala sa larangan ng pag-arte ‘yun. So, doon pa lang, masaya na talaga ako,” sagot ni Joshua.
For the first time ay pinagtambal sina Charlie at Joshua ng ABS-CBN sa napapanahong serye na Viral Scandal na mapapanood ngayong Lunes (Nob. 15). Kaabang-abang daw ang salpukan nina Charlie at Joshua ng galing sa pag-arte sa pagbabalik-telebisyon nila bilang sina Rica at Kyle, mga kabataang masusubok ang relasyon dahil sa isang viral video.
“Ako, nae-excite lang ako para sa buong team kasi nakikita ko talaga ‘yung pagod nila during nu’ng cycle namin, alam mo ‘yun? Nasa labas kami, nagtatrabaho lahat and alam kong pinaghirapan nila ‘to para ma-entertain talaga ang mga tao. Kaya sobrang na-excite ako for them,” lahad ni Joshua.
Naging maganda naman ang 2021 kay Charlie. Simula pa lang ng taon ay nanalo na agad siya ng award at bago matapos ay may bago na naman siyang project sa ABS-CBN.
Si Charlie na nga raw ang “Pandemic Star” ng 2021.
Bilang si Kyle sa Viral Scandal, this is the second time raw na gaganap si Joshua na isang ingleserong mayaman.
“Actually, doon ako pinakanahirapan. Kasi nga ang dami ko nang nagawang projects, pero dalawa pa lang, pa-dalawa pa lang ‘to na ginagawa ko na mayaman na nag-i-English. Alam mo ‘yun? Na by the book. Pangalawang karakter ko pa lang ‘to na nagawa.
“‘Yung una, medyo hindi ko siya nahimay nang maayos. ‘Yung una kong pagganap ng ganu'ng karakter. Pero this time, mas na-immerse ko na siya nang maayos.
“So, dumaan ako sa maraming proseso. Binasa ko ‘yung buong script, ‘yung mga eksena ko lang. And uh, nanonood ako ng maraming ano, about architect na, kung paano sila magsalita. Kasi napansin ko sa kanila, very passionate silang magsalita, eh. Parang niraramdam nila ‘yung sinasabi nila. ‘Yung ganu'ng details lang ang pinag-aralan ko,” kuwento ni Joshua.
Nagbigay naman ng mensahe si Charlie sa mga “nabibiktima” sa social media.
“Ako po, masasabi ko nga po na maghinay-hinay nga po sila sa pagbigay ng opinyon. Uhm, ‘yung sa mismong karakter ko na nakakaranas ng ganu'n, kayanin talaga nila kasi hindi forever nangyayari ‘yung ganu'n. Uh, kumbaga, habang may buhay, may pag-asa talaga. Kasi 'yun po 'yung mapapanood ninyo talaga sa Viral Scandal na everyday, lumalaban si Rica.
Lahat po ng ibinabato sa kanya, nilalabanan niya talaga. Sana po, makuha nila ‘yung tapang na naranasan ni Rica during nu’ng journey na ‘yun."
Tinanong din si Charlie sa mediacon kung ano ang gagawin niya kapag nagkaroon siya ng scandalous issue na nag-viral.
"Una po, sana hindi mangyari ‘yun. Hahaha! Pero siguro, kung mapunta man ako sa ganu'ng sitwasyon, siguro doon ko na lang din po malalaman kung ano ang gagawin ko. Kasi depende po sa bigat ng sitwasyon. Pero kung alam ko naman po na kaya kong sagutin agad and alam ko agad ‘yung totoo, siguro, magsasalita rin po ako agad para i-explain ‘yung side ko,” say ni Charlie.
Habang si Joshua ay natanong din kung ano sa palagay niya ang pinakamatinding iskandalo na puwedeng mangyari sa kanya para hindi na tanggapin at tangkilikin ng publiko.
“Ano’ng pagpipilian ko? May choices ba ako?” tanong din ni Joshua.
“Makakansela lang siguro ako ng mga tao, hindi nila ako tatanggapin, ‘yung hindi sila sumang-ayon sa ginawa ko,” sabi ni Joshua.
And what about Charlie?
“Siguro po, kapag halimbawa, may nasabi akong hindi maganda. Kasi ang bilis kong mag-isip masyado, tapos nasabi ko bigla, parang ganyan.
“Mabuntis? I mean, kapag nangyari naman po ‘yun sa akin, sa tingin ko, hindi naman po ‘yun scandal for me. Parang it’s meant to be to happen. Ayun po.”
Samantala, nasa Viral Scandal din sina Dimples Romana, Jake Cuenca, Miko Raval, Jameson Blake, Markus Patterson, Ria Atayde, Maxene Magalona, Aljon Mendoza, Karina Bautista, Louise Abuel, Kaila Estrada, Vance Larena, Gian Magdangal, Arielle Roces at Aya Fernandez.
Abangan ito sa Kapamilya Channel, TV5, A2Z, Kapamilya Online Live, iWantTFC, at TFC IPTV.





Comments