Isyu ng ‘absolute pardon’ kay Pemberton at ‘beautification’ sa Manila Bay, sapaw sa COVID-19
- BULGAR

- Sep 12, 2020
- 2 min read
ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | September 12, 2020
Ayon sa isang grupong mananaliksik mula UP, maaaring nagkaroon na ng “flattening of the curve” sa bansa dahil bumababa na ang pang araw-araw na bilang ng kaso. Pero hindi raw ito dahilan para magsaya o maging kampante.
Kailangan pa ring ipagpatuloy ang pag-iingat at paggamit ng mga face mask at face shield kapag lumalabas ng tahanan. Tandaan na nasa ilalim pa rin ng GCQ ang Metro Manila.
Sa totoo lang ay tila nagiging manhid na ang tao sa mga balita na may kaugnayan sa COVID-19.
Marami ang tumanggap na sa bagong normal kung saan face mask at face shield ay bahagi na ng kasuotan araw-araw at pagpapatupad ng social distancing.
Tila mas interesado na ang mga tao sa balitang nabigyan ng ‘absolute pardon’ si US Marines Lance Cpl. Joseph Pemberton, gayundin ang kontrobersiyal na paglalagay ng ‘mala-Boracay Island’ na buhangin sa Manila Bay para pagandahin umano ito.
Ang Pilipinas pa rin ang may pinakamaraming kaso ng COVID-19 sa ASEAN. Patunay na mas maganda pa rin ang nagagawa ng ibang bansa para labanan ang pandemya. Kaya kahit may kaunting ebidensiya na bumabagal na ang bilang ng mga kaso, kailangan pa rin mag-ingat. Mabuti na lang at maraming sumusunod sa mga health protocols.
Hindi tulad sa Amerika, kung saan marami ang tutol sa pagsuot ng face mask habang nasa labas ng tahanan dahil labag umano sa kanilang kalayaan o karapatan.
Samantala, nasa pangalawang linggo pa lang tayo ng Setyembre, pero may anunsiyo na ang lokal na pamahalaan ng Maynila na isasara ang mga sementeryo sa Undas para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19, at sumunod na rin ang Mandaluyong.
Kakaiba na talaga ang pamumuhay sa ‘bagong normal’.





Comments