top of page

Isko, panay pabida sa mga sagabal sa bangketa, sa ‘paggiba’ ng sindikato ng lotteng, kailan kaya?

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 18, 2025
  • 2 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | July 18, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez

MAGKASALUNGAT NA SURVEY, SA SWS, MAJORITY PINOY GUSTO NG IMPEACHMENT, SA PULSE ASIA, MAJORITY PINOY AYAW SA IMPEACHMENT -- Sa latest survey ng Social Weather Station (SWS) ay 66% daw ng mga Pinoy ay nais na ituloy ang impeachment trial kay Vice Pres. Sara Duterte-Carpio, pero sa survey naman ng Pulse Asia noong May 27, 2025 ay 50% daw ng mga Pinoy ang ayaw ma-impeach ang bise presidente.


Ganyan naman lagi ang mga survey sa ‘Pinas, laging magkasalungat, at dahil magkaiba ang resulta ng kanilang survey, isa lang ang iisipin ng publiko na itong SWS ay pro-Marcos at itong Pulse Asia ay pro-Duterte, boom!


XXX


SANIB-PUWERSA NA ANG MGA AKTIBISTA AT MGA LOYALISTA LABAN SA PAMILYA DUTERTE AT MGA KAALYADO NI FPRRD -- Matapos sabihin ni activist lawyer Kristina Conti na posibleng ipaaresto na rin ng International Criminal Court (ICC) si Sen. Ronald Dela Rosa  para makasama na ito ni former Pres. Rodrigo Roa Duterte (FPRRD) sa ICC jail sa The Netherlands, ay inanunsyo kamakalawa ni Executive Sec. Lucas Bersamin na handa raw ang Marcos administration na dakpin ang senador kapag naglabas na ng warrant of arrest laban dito ang ICC.


Patunay iyan na sanib-puwersa na ang mga aktibista at loyalista laban sa pamilya Duterte at sa mga kaalyado ni FPRRD, period!


XXX


MALAMANG 'NGARAG' NA SA TAKOT ANG POLITICIANS NA SANGKOT SA MISSING SABUNGEROS  DAHIL ‘NO BAIL’ NA KIDNAPPING AT MULTIPLE MURDER ANG IKAKASO  SA KANILA -- Sinabi ni Dept. of the Interior and Local Gov’t. (DILG) Sec. Jonvic Remulla na wala raw silang sasantuhin sa kaso ng missing sabungeros, na aniya kahit daw governor, mayor o senador, kapag napatunayan nilang sangkot sa karumal-dumal na krimeng ito ay kanilang isasama sa kaso.


Sigurado, “ngarag” na sa takot ang mga politician na dawit sa pagpapapatay sa missing sabungeros dahil kapag napatunayang sangkot sila sa krimen, mabubulok na sila sa selda dahil ang kasong isasampa sa kanila na kidnapping at multiple murder ay “no bail,” boom!


XXX


PANAY PABIDA NI YORME ISKO SA PAGGIBA SA MGA SAGABAL SA BANGKETA, KAILAN NAMAN KAYA MAGPAPABIDA SA ‘PAGGIBA’ SA SINDIKATO NG LOTTENG SA MAYNILA? -- Panay ang pabida ni Manila Mayor Isko Moreno sa pagpapaalis at pagpapagiba sa mga sagabal sa mga bangketa sa lungsod, at pati nga barangay hall na nasa bangketa ay kanyang pinatanggal para madaanan ito (bangketa) ng mamamayan.


Eh ang tanong: Kailan naman kaya “gigibain” ni Yorme Isko ang untouchable na sindikato ng lotteng sa Maynila nina "Boy Abang," "Lorna," "Paknoy," "Dani Bukol," "Anna," "Prades," "Tonton," "Lando," "Tata Ber" at "Simbulan," abangan!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page