top of page

Isinusulong na pagbawas ng VAT, ‘di na dapat patagalin

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 2 days ago
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | January 6, 2026



Boses by Ryan Sison


Ginhawa ang hatid ng panukalang ibaba ang value-added tax (VAT) mula 12% tungo sa 10%, lalo na sa mga pamilyang araw-araw nahihirapan sa mahal na bilihin.


Sa pamamagitan ng Senate Bill No. 1552 o ang “VAT Reduction Act of 2025,” muling naibalik sa sentro ng usapin ang prinsipyo ng ekonomiya na mas epektibo kapag ang pera ay nananatili sa bulsa ng mamamayan. Iginiit ng senador na ang pagbawas ng VAT ay agad na magpapaluwag sa gastusin ng mga Pinoy at magpapataas ng kanilang kakayahang bumili.


Bawat sentimo ng VAT ay naka-embed sa bigas, kuryente, pamasahe, gamot, at iba pang pangunahing pangangailangan. Kapag bumaba ang buwis, bumababa rin ang presyong binabayaran—isang tuwirang ginhawa na hindi na kailangang ipila o iproseso. Binanggit din ng senador na mas mainam na manatili ang pera sa mga konsyumer kaysa umasa sa tulong-pinansyal na maaaring dumaan sa katiwalian.


Sa ganitong setup, mas aktibo ang paggastos, mas umiikot ang ekonomiya, at mas lumalakas ang Gross Domestic Product (GDP). Ang posibleng kakulangan sa kita ng pamahalaan ay maaari umanong mabawi sa mas mataas na economic activity, isang mas sustainable na paraan kaysa panandaliang ayuda.


Sa Timog-Silangang Asya, ang Pilipinas at Indonesia ang may pinakamataas na VAT na parehong 12%. Samantala, Cambodia, Vietnam, at Laos ay nasa 10%; Singapore sa 9%; Thailand at Laos sa 7%; Myanmar sa 5% commercial tax; at Timor-Leste sa 2.5% sales tax. Sa ganitong paghahambing, malinaw na ang VAT reduction ay hakbang para maging mas kompetitibo ang bansa at mas kaaya-aya sa konsumo at negosyo.


Nakasaad din sa panukala ang safeguard para sa fiscal discipline. May kapangyarihan ang Pangulo, sa rekomendasyon ng Secretary of Finance, na pansamantalang ibalik sa 12% ang VAT kung lalampas ang national deficit sa target ng Development Budget Coordination Committee.


Ang VAT reduction ay hindi pabor para sa iilan kundi benepisyo para sa lahat, lalo na sa low at middle-income households na malaki ang napupunta sa buwis. Dapat itong aprubahan nang agad upang maramdaman ng bawat pamilyang Pilipino ang ginhawa sa kanilang gastusin. Kapag mas may natitira sa bawat mamamayan, mas malakas ang ekonomiya. Ang ginhawang ito ang dapat ipaglaban at ipatupad nang may pananagutan.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page