top of page

Isantabi na ang pulitika, magtrabaho na tayo!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jun 5
  • 4 min read

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | June 5, 2025



Bisyo Magserbisyo ni Bong Go

Hindi maikakaila na ang nakaraang eleksyon ay naging mitsa ng pagkakawatak-watak ng taumbayan dahil sa batuhan ng mga isyu at batikos. Bilang inyong Senador Kuya Bong Go, nananawagan ako sa aking mga kasamahan sa gobyerno: Isantabi na natin ang pulitika at magtrabaho na tayo. Ako naman, ipagpapatuloy ko pa rin ang naumpisahan kong pagseserbisyo at pagmamalasakit sa ating kapwa Pilipino. 


Sa pagkakataong ito, hayaan niyong pasalamatan ko ang pahayagang BULGAR para sa pagkakataong maibahagi sa inyo ang ating mga programa at inisyatiba.


Kasunod naman ng ating makasaysayang panalo sa nakaraang eleksyon kung saan nakamit natin ang mahigit 27 milyong boto, muli akong nagpapasalamat sa Panginoon at sa sambayanang Pilipino para sa pagkakataong ipagpatuloy ang pagseserbisyo.


Walang humpay din ang ating pasasalamat sa aking mentor at inspirasyon sa public service na si dating Pangulong Rodrigo Duterte. Tatandaan ko ang kanyang payo: Gawin ang tama at unahin ang interes at kapakanan ng kababayan nating Pilipino!


Maraming salamat ding muli kay Vice President Sara Duterte para sa suporta sa aming mga Duter-TEN senatorial candidates. Kasama ako ng buong bansa sa panalangin na nawa’y makauwi na si Tatay Digong.


Sa nalalabing mga araw ng aking unang termino at sa paparating na 20th Congress, kabilang sa ating prayoridad ang pagpapalakas sa healthcare system, paglikha ng mga trabaho, pagtiyak na may pagkain sa bawat mesa, abot-kayang edukasyon at iba pang pro-poor programs. Gagawin natin ang lahat ng ating makakaya, kasama ang aking mga kapwa mambabatas, para isulong ang mga ito.


Bilang Chairperson ng Senate Committees on Health and Demography, on Sports, at on Youth, masaya kong ibinabalita na noong May 29, kabilang sa mga ginawang prayoridad ng Legislative-Executive Development Council (LEDAC) ang mahahalagang panukala na ating isinulong: amendment sa Universal Health Care (UHC) Act, E-Governance Bill, Judicial Fiscal Autonomy Bill, Virology Institute of the Philippines Bill, ang panukalang magtatakda sa termino ng Barangay at Sangguniang Kabataan officials sa apat na taon, at ang ating panukalang pagba-ban at pagdedeklarang ilegal sa POGO.


Nitong June 3, nagpatuloy ang public hearing natin sa Senate Committee on Health. Sa ika-14 hearing natin, mahalagang updated ang mga Pilipino sa estado ng ating healthcare system habang patuloy nating inilalaban na mapaganda ang mga benepisyong medikal at maibaba ang gastusin ng ating mga pasyente. Nagsisimula ang lahat ng ito sa kaalaman ng bawat Pilipino na alinsunod sa UHC, lahat tayo ay miyembro ng PhilHealth. 


Kaya naman labis ang pasasalamat natin nang ibalita ng PhilHealth ang improvement sa ID system nito. Patuloy natin itong babantayan at titiyaking mapapakinabangan ng mga Pilipino.


Muli nating pinaalalahanan ang mga health-concerned agencies na wala dapat pasyenteng matatanggihan, lalung-lalo na ang mga hopeless, helpless at ‘yung mga kababayan nating walang malapitan. 


Sa isyu naman ng impeachment complaint laban kay VP Sara, nananatili ang aking pananaw na kung walang malinaw na ebidensya, walang dahilan para pahabain pa ang

paglilitis. 


Pagod na ang mga Pilipino sa maruming pulitika at intrigahan. Wala dapat nasasayang na sandali dahil marami ang nangangailangan ng serbisyo. Kaya naman matapos tayong maiproklama noong May 17, agad nating binisita ang mga naging biktima ng insidente ng sunog sa Tondo, Manila. Personal nating pinangunahan ang Malasakit Team sa paghahatid ng pangunahing pangangailangan ng mga apektadong pamilya. 


Samantala, dumalo tayo noong May 28 sa 3rd National Convention ng National Department of Health Employees’ Association (NADEA) sa paanyaya ni National President Dr. Louella Lao. Doon ay tiniyak natin ang ating buong suporta sa lahat ng health department employees.


Naimbitahan din tayo sa Philippine Councilors’ League — Iloilo Chapter Term-End Assembly sa paanyaya ni outgoing President at ngayon ay Vice Mayor-elect Ramon Monsik Sullano.


Noong May 31, nakausap natin sa pamamagitan ng video call ang ating mga kababayang OFWs para sa birthday celebration ni VP Sara. Sa pagtitipon, naipakita ng ating mga kababayan ang kanilang pagmamahal at suporta kay Tatay Digong. Kung nakikita lang niya ang mga kaganapang ito, tiyak akong masayang-masaya ang ating dating pangulo.


Naghatid naman ang aking Malasakit Team ng tulong sa 85 na mga biktima ng sunog sa Parañaque City; 27 sa Muntinlupa City; at 289 na mga market vendors sa Sta. Cruz, Laguna.


Napagkalooban din natin ng tulong ang 27 biktima ng Tropical Depression Kabayan sa Caraga, Davao Oriental. Nakatanggap din ang mga ito ng karagdagang tulong mula sa national government para maipaayos ang kanilang nasirang tahanan.


Naalalayan din natin ang 12 pamilyang nasira ang tahanan sa Jose Abad Santos, Davao Occidental. Tumanggap din sila ng post-disaster shelter assistance para maipaayos ang kanilang tirahan mula sa programa ng national government na ating isinulong at sinuportahan. Katulad na tulong ang naipagkaloob sa 529 benepisyaryo sa Casiguran katuwang si Board Member-elect Jennifer Araña, at 132 pa mula sa Dilasag kaagapay si Mayor Lea Gorospe, parehong sa Aurora Province.


Bilang inyong Mr. Malasakit, lalo ko pang pagbubutihin ang aking trabaho at hinding-hindi ko sasayangin ang tiwalang ipinagkaloob ninyo sa akin. Bisyo ko ang magserbisyo, at naniniwala akong ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.


Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page