top of page
WINNER - BEAUTY QUEEN GF NI SANTINO, NAPAGKAMALANG TRANSGENDER-IG _ashleysubijano.jpg

Isang ticket para sa apat: Bagong programa ng public transport

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jun 3, 2025
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | June 3, 2025



Boses by Ryan Sison

Para sa magkakapamilya at magkakabarkada, malaking ginhawa at less gastos pa kung nanaisin nilang bumiyahe dahil sa bagong programa ng gobyerno.  


Kasabay ng pagdiriwang ng Family Day, inilunsad ng pamahalaan ang Family/Pamilya Pass 1+3 program kung saan apat na pasahero ma-pamilya o barkada man ay makakasakay sa MRT-3, LRT-1, at LRT-2 sa halagang isang ticket lamang tuwing Linggo, na nagsimula noong Hunyo 1, 2025. 


Ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., layunin nitong palakasin ang kulturang Pilipino na pagsasama-sama tuwing araw ng Linggo, lalo na sa mga bonding activities gaya ng paglalakad-lakad at pagsisimba. 


Sa pagbubukas ng programa, sakay ng tren ang First Family, kasabay ng ilang miyembro ng gabinete nitong Linggo. 


Ipinaliwanag ng Pangulo na ito ay isang hakbang upang gawing abot-kaya ang pagbiyahe tuwing weekend, na makababawas sa gastos ng mga pamilyang nais maglibang. 


Ang Department of Transportation (DOTr) ang katuwang sa naturang proyekto. 

Sinabi ni DOTr Secretary Vince Dizon, sapat na ang isang miyembro ng grupo na bumili ng ticket at dadaan sa turnstile habang ang tatlong kasamang pasahero ay papasok sa side entrance. Batay sa datos ng DOTr, higit 226,000 katao ang sakay sa MRT-3 at 95,000 naman sa LRT-2 sa mga Linggo ng Mayo 2025. Ang naturang programa ay tatagal hanggang sa huling linggo ng 2028. 


Ang programang ito ng gobyerno ay maaaring maliit na hakbang at sa mata ng maraming Pinoy, ito ay saglit na ginhawa lamang. 


Bagama’t may mga komyuter ang natuwa at nagsabing makakatipid sila tuwing Linggo, pero pagdating naman ng Lunes ay mabigat na rush hour sa mga tren ang kanila pa ring sasagupain. 


Kung tutuusin, hindi sapat ang ganitong promo kung hindi naman aaksyunan ang mga pangunahing problema sa transportasyon tulad ng siksikan at mahabang pila ng mga pasahero sanhi ng kakulangan ng masasakyan at sobrang trapik. 


Gayundin, hindi nito dapat matabunan ang mas malalalim pang isyu sa public transport dahil lumalabas na isang araw na patikim lamang ito habang pasakit pa rin sa mga susunod na araw sa bawat komyuter. 


Mas mainam sana kung hindi lang Linggo ito gagawin, dapat maipamalas din ito tuwing Lunes hanggang Sabado. 


Sa ganang akin, ang tunay na malasakit sa mamamayan ay hindi lamang maipapakita sa isang promo kundi sa kalidad ng araw-araw na serbisyo ng gobyerno.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page