top of page
WINNER - MACHONG CHISMISAN HOSTS, KAKASUHAN NG NBI SA PANLALAIT KAY JOSHUA_FB Circulated.j

Isang sulyap sa isang tunay na kaibigan

Writer: BULGAR
BULGAR
Dec 18, 2020
3 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | December 18, 2020



Para akong binagsakan ng langit at lupa nang makarating ang balita na pumanaw na ang aking matalik na kaibigan, na hindi lang basta kaibigan kung hindi higit pa sa isang tunay na kapatid —Si Rosario, Cavite Mayor Jose ‘Nonong’ Ricafrente, Jr.


Kasalukuyan akong nasa gitna ng taping sa kabundukan at tinatapos ang teleserye na Agimat ng Agila at hindi agad ako makakaalis dahil sa obligasyon ko sa lock-in bunga ng pandemya.


Gayunman, sa gitna ng break ay nagkaroon ako ng pagkakataong isulat ang artikulong ito ngunit matagal akong nakatitig sa aking laptop bago tuluyang tumipa ang aking mga daliri na tila aligaga rin dahil sa bigat na aking nararamdaman.


Nonong… simpleng Nonong lang ang tawag sa kanya ng marami at Mayor Nonong naman para sa kanyang mga tagasuporta at nagmamahal sa kaniya sa napakahabang panahon ng kanyang panunungkulan.


Maraming puwedeng ipagmalaki si Nonong kung tutuusin, ngunit dahil sa kanyang kababaang-loob, pagiging malumanay maging sa pagsasalita ay hindi siya kailanman makikitaan nang pagbubuhat sa sarili kahit nagsusumigaw na sa iyong harapan ang laki ng kanyang nagawa sa kanyang nasasakupan.


Isa pa sa kahanga-hanga kay Nonong ay personal niyang kilala ang buo niyang nasasakupan at maging siya ay personal ding kilala ng mga ito na isang patunay kung gaano niya kamahal ang bayan ng Rosario.


Naaalala ko na 29-anyos lamang ako noon at bagitung-bagito pa sa larangan ng pulitika nang una ko siyang makilala at simula noon ay sinundan ko na ang kanyang yapak at sinunod ang mahahalagang bilin at payo na isa sa dapat kong ipagpasalamat kung nasaan ako ngayon.


Maging ang Civil Service Commission ay kinilala ang kaniyang busilak na serbisyo-publiko dahil sa malinis, matapat at matiyaga niyang pagtugon sa lahat ng nangangailangan ng kanyang tulong.


Naaalala ko pa noong panahon ng kampanya noong 1988 ay palaging kaming huli sa mga entabladong dadaluhan namin dahil nga sa lahat ng tao na nagtatanong ay isa-isa niyang sinasagot, kinakausap at hindi umaalis ng hindi areglado.


Siya ‘yung tipo ng tao na handang makinig gaano man kahaba ang iyong sasabihin, mahirap ka man o mayaman at kung lumuluha ka dahil sa bigat ng iyong suliranin ay tiyak na nakangiti kang aalis matapos mong matanggap ang kaniyang mga payo.


Isa pa sa hindi ko malilimutan kay Nonong ay ang sinabi niya sa akin na ang boto umano ay hindi sa kampanya nakukuha, kung hindi sa pakikisalamuha, pakikisama, pakikipag-ugnayan at pakikipagkapwa-tao na ginawa ko ring panuntunan.


At totoo naman dahil mahigit sa 16 na taong Mayor ng Rosario si Nonong at pumanaw siyang naglilingkod na siyang tangi niyang pangarap mula pagkabata ang paglingkuran at paunlarin ang kinalakihan niyang bayan.


Napakalayo na ng narating ng Rosario ngayon, ang tagumpay at kaunlaran na tinatamasa ng kanyang mga kababayan ay utang nila sa ‘Ama ng Rosario’ na si Mayor Nonong.


Ganito rin ang uri ng paglilingkod na ipinamalas ni Nonong sa Kapitolyo nang siya ay naging Provincial Adminstrator noong 1999 sa panahon ng aking pagiging gobernador at nabuo namin ang Cavite Vision:2020 na naglatag ng mga development programs para sa ikauunlad ng buong lalawigan.


Kabilang d’yan ang LRT Line 1 Extension Project; ang Conversion ng Sangley Point para maging International Airport; mga karagdagang highway at iba pa, na unti-unti nang natutupad ngayong 2020.


Hindi pa uso ang 4P’s ay una na kami ni Nonong na nagpatupad ng Conditional Cash Transfer noon sa ilalim ng Tulong-Puhanan program at napakarami pa ng aming pinagsamahan.


Kung puwede lang buksan ang aking puso ay makikita ninyong napakalaki ng espasyo para sa mahal kong kaibigan na si Nonong, at mananatili siyang nakatago sa isang sulok ng aking alaala habang ako ay nabubuhay. Paalam, kaibigan!


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o

mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page