Isang panalo pa sa OKC, SGA kumilos, Cavaliers nakaalpas
- BULGAR

- 3 days ago
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | May 11, 2026

Photo: Oklahoma City Thunder - FB
Laro ngayong Lunes
3:30 AM NY vs. Philadelphia
7:30 AM SA vs. Minnesota
Malinis pa rin ang World Champion Oklahoma City Thunder ngayong 2026 NBA Playoffs matapos humabol at talunin ang Los Angeles Lakers, 131-108, kahapon sa Crypto.com Arena. Nabuhay ang kampanya ng Cleveland Cavaliers sa 116-109 pagpigil sa Detroit Pistons.
Lamang ang Lakers sa simula ng pangatlong quarter, 59-57, subalit nagising ang Thunder at nag-ingay.
Pumasok na ang mga tira nina Ajay Mitchell at MVP Shai Gilgeous-Alexander at lumaki ang kanilang bentahe sa 124-97 sa three-points ni Isaiah Joe at tatlong minuto sa orasan.
Pitong OKC ang may 10 o higit sa pangunguna ni Mitchell na may 14 at SGA na may 23. Nanguna sa Lakers sina Rui Hachimura na may 21 at LeBron James na may 19.
Isa na lang ang kailangan ng Thunder para walisin ang seryeng best-of-seven. Tinalo nila ang Phoenix Suns, 4-0, sa Round One.
Sinayang ng Cavs ang 65-38 lamang sa unang minuto ng pangatlong quarter. Tumabla ang laro, 104-104, sa tres ni Duncan Robinson pero nabawi agad ng Cleveland ang bentahe sa mga buslo nina Max Strus at James Harden, 108-104, at 1:29 sa orasan.
Tinuldukan ni Donovan Mitchell ang kanyang 35 sa tatlong free para manigurado at itakda ang huling talaan. Nag-ambag ng 19 si Harden.
Samantala, pumirma ng bagong kontrata si Coach Steve Kerr para manatili sa Golden State Warriors hanggang 2027-28. Sa kanyang gabay mula 2014 ay apat ang kampeonato ng GSW (2015, 2017-18, 2022) subalit nahulog sa Play-In ngayong taon at umingay ang bulong na papalitan siya kasabay sa pagpaso sa kasalukuyang kontrata.





Comments