top of page
Search
  • BULGAR

Iresponsableng statement at post sa Facebook laban sa mga manggagawa ng Senado

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | April 12, 2021



Ilang sandali tayong naabala at nag-isip kung dapat bang patulan ang isang napaka-iresponsableng statement at post sa Facebook na kinasasangkutan mismo ng mga manggagawa sa Senado.


Bilang Senador ay hindi natin ito mapalampas dahil mismong ang National Intelligence Coordinating Agency (NICA) ang nag-post at isang Alex Paul Monteagudo na Director-General ng naturang ahensiya.


Ang NICA ay primary agency intelligence gathering and analysis arm ng ating pamahalaan na siyang ring nakatutok sa mga kapansin-pansin at hindi kapansin-pansing galaw kabilang na ang mga lihim na pagkilos laban sa pamahalaan.


Napakamalisyoso ng pagkaka-post at isa itong maliwanag na red-tagging na basta na lamang ipinaskil sa social media at masyadong inabuso ang kapangyarihang saklaw ng NICA na hindi man lang isinaalang-alang ang kalagayan at magiging kalagayan ng mga manggagawa sa Senado.


Bale dalawang lay-out na magkapareho naman ng nilalaman at ganito ang pagkakasulat-STAY INFORMED, The Sandigan ng mga Empleyadong Nagkakaisa sa Adhikain ng Demokratikong Organisasyon (S.E.N.A.D.O.), the workers union in the Senate of the Philippines is affiliated with COURAGE.


Ang ibig sabihin ng COURAGE ay Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees na umano’y isang CPP-NPA-NDF’s Front Organization.


Nakasaad din sa ibabang bahagi ng layout ang mga katagang — SENADO SERVES AS THE EYES AND EARS OF THE CPP-NPA-NDF IN THE SENATE TO HIJACK PLANS AND PROGRAMS OF THE GOVERNMENT.


Hindi naman masamang mahagilap ng NICA ang mga impormasyong ito, lehitimo o hindi man ang may gawa, ngunit hindi dapat basta na lamang ipinapaskil sa social media ang hilaw pang impormasyong tulad nito na kahit ang NICA ay bulag dito.


Buo ang ating paniniwala na ang unyon ng mga empleyado sa Senado o ang S.E.N.A.D.O. mismo ay hindi kailanman naging traydor sa pamahalaan tulad nang ipinalalabas ng malisyosong Facebook post.


May ilang masasamang loob lamang na nais maghasik ng kalituhan para guluhin ang mapayapang sitwasyon sa Senado at makakuha ng simpatya sa mga maniniwala.


Tulad ng inaasahan ay halos iisa ang naging daloy ng mga komento na kesyo nalusutan umano ang intelligence gatherings ng PNP, nariyang suportado ito ng mga oposisyon at alam diumano ito ng ilang Senador na hindi pabor sa palakad ng administrasyon.


Sa katunayan ay binanggit pa ng ilang nagkomento sa Facebook ang mga pangalan ng mga umano’y nakakaalam na Senador, ngunit wala itong basehan at walang matibay na ebidensiya na mag-uugnay sa kanila.


Isa sa mga nakikita nating dahilan ay may ilang grupo na nais sakyan ang kasalukuyang paggalaw ng NPA na noong Marso 29 lamang ay nagdiwang ng kanilang anibersayo.


Sa mga lalawigan ay aktibo rin ang mga sundalo at pulisya sa pagkakabit ng mga poster na kumukondena sa aktibidades ng NPA bilang bahagi ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).


Maging ang mga kapatid nating rebelde ay galit na galit sa red-tagging kaya naniniwala tayong hindi rin sila bababa sa ganitong lebel para ipahamak ang manggagawa sa Senado na wala namang ibang agenda kundi ang magtrabaho.


Lehitimo ang unyon ng mga manggagawa sa Senado at sila mismo ang nagsusulong ng kapakanan ng mga empleyado at bilang chairman ng Civil Service Committee ay kilala nating personal ang mga opisyal ng unyon na nakakasalamuha natin sa ilang mahalagang gawain.


Higit sa lahat, hindi ito makalulusot sa karanasan at husay ng mga namamahala ng seguridad ng buong gusali at ng Senado sa kabuuan bukod pa sa mga nakalatagang pulisya sa detachment na nasa loob mismo ng compound ng Senado.


Sa mga manggagawa sa Senado, huwag kayong maalarma sa mga ganitong uri ng propaganda dahil higit sa lahat kami ang nakakaalam sa tunay na kalagayan ng ating mga manggagawa.


Sa NICA ay wala naman tayong nilabag kung depinisyon lang ng inyong function ang pag-uusapan, ngunit tila hindi naman kasama na lahat nang inyong makakalap na impormasyon ay basta n’yo na lamang ipapaskil sa social media kahit hindi pa tiyak.


Itinalaga kayo para mangalap ng impormasyon, pero hindi kayo itinalaga para magpahamak ng kapwa, maging reponsable lang sana!


Anak Ng Teteng!

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page