Ipinambili ng mag-asawang Discaya sa sangkatutak na luxury cars, mula raw sa ‘in-scam’ na pera ng bayan!
- BULGAR

- Aug 25, 2025
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | August 25, 2025

PUMALO NA PALA SA TRILYONES NA PERA NG BAYAN ANG ‘NA-SCAM’ NG MGA “BUWAYANG” DPWH OFFICIAL, POLITICIANS AT MGA MANGRARAKET NA MGA KONTRAKTOR?! -- Sabi ni Sen. Ping Lacson na sa nakalipas na 15-taon mula year 2011 hanggang 2025 ay nasa higit P1.9 trillion na ang nailaang budget sa Dept. of Public Works and Highways (DPWH).
At dahil nga nabulgar na karamihan sa mga flood control project ay "ghost projects," substandard (tinipid sa materyales) at iniwang nakatengga o nakatiwangwang, ay lumalabas ngayon na higit trilyong pisong pera ng bayan na ang napunta sa mga “kurakot” na DPWH officials, politicians at mga kasabwat nilang mga mangraraket na kontraktor, buset!
XXX
DAPAT PATI MGA SENADOR NA SANGKOT SA FLOOD CONTROL PROJECT SCAM IMBESTIGAHAN NG KOMITE NI SEN. MARCOLETA -- Matapos sabihin ni Sen. Migz Zubiri na hindi lang dapat sa mga taga-DPWH at mga kontraktor ituon ng Senado ang imbestigasyon sa flood control project scam, kundi pati sa mga kasabwat nilang mga pulitiko, mula congressmen at senators ay dapat imbestigahan din, ay sinegunduhan ito ni Sen. Lacson na nagsabing bukod sa mga kongresista, may mga sangkot din na mga senador sa scam na ito, at ang kanyang tinutukoy ay iyong mga nagsingit daw ng pork barrel sa national budget.
Isang malaking hamon kay Sen. Rodante Marcoleta, chairman ng Senate Blue Ribbon Committee ang sinabing ito nina Sen. Zubiri at Sen. Lacson, na dapat pati mga kapwa nila senador na sangkot sa flood control project ay imbestigahan ng komite niya, at kapag nagawa niya ‘yan ay siguradong hahangaan siya ng taumbayan, period!
XXX
MULA RAW SA ‘IN-SCAM’ NA PERA NG BAYAN ANG IPINAMBILI NG MAG-ASAWANG DISCAYA SA SANGKATUTAK NA LUXURY CARS -- Sa mga kontraktor, ang mag-asawang kontratista na sina Curlee at Sarah Discaya ang naba-bash ngayon nang todo sa social media.
May dahilan naman ang netizens na i-bash ang mag-asawang Discaya dahil sa interbyu sa kanila noon nina Korina Sanchez at Julius Babao ay ipinagyabang nila ang sangkatutak nilang luxury cars, eh ‘yun naman pala hindi raw sariling pera ang ipinambili sa mga mamahaling sasakyan na ‘yan, kundi pera raw na ‘in-scam’ sa kaban ng bayan, mga pwe!
XXX
LAHAT NG SANGKOT SA FLOOD CONTROL PROJECT SCAM KAPAG KINASUHAN NA DAPAT MARATHON HEARING ANG GAWING PAGLILITIS SA KORTE PARA KULONG AGAD SILA -- Siguradong kaso ang kakaharapin ng mag-asawang Discaya at iba pang kontraktor, pati mga pork barrel senator and congressmen, at mga “kurakot” sa DPWH na mga nagsabwatan sa ‘pang-i-scam’ sa kaban ng bayan na inilaan sa flood control project.
Sana kapag nakasuhan na sila, dapat ang paglilitis sa kanila ng korte ay gawing marathon hearing para "forthwith" o agad-agad na sila ay magsasama-sama sa kulungan, period!







Comments