top of page
Search
  • BULGAR

Ipinalit ni P-Digong na “bagong boss” sa PhilHealth, aminadong wa’ alam sa public health

ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | September 3, 2020


May napili nang kapalit ni Ricardo Morales si Pangulong Rodrigo Duterte para pamunuan ang PhilHealth na lubog ngayon sa alegasyon ng katiwalian—si Dante Gierran na dating direktor ng NBI.


Sa isang panayam, agad niyang inamin na wala siyang alam sa public health at hindi niya alam ang operasyon ng ahensiya, na hindi tulad sa NBI kung saan siya nagtrabaho ng 27 taon bago naging direktor.


Aminado itong natatakot siya sa bagong trabaho pero nangako namang hindi siya magiging mahinhin. Hinimok niya ang publiko na bigyan siya ng pagkakataong linisin ang PhilHealth para mawala na ang deka-dekadang katiwalian.


Mabuti at naririnig natin ang saloobin ni Gierran. Malaking trabaho at sakit ng ulo ang hinaharap ngayon ng PhilHealth kaya sana ay hindi siya maimpluwensiyahan sa ahensiya. Inutusan siya ng Pangulo na balasahin ang mga regional vice-presidents. Tila pahiwatig ito na sa kanila nagmumula ang korupsiyon sa ibang rehiyon, kung saan karaniwan na lang ang kalakaran kaya nahahanapan ng paraan para sa katiwalian.


Sibakin at kasuhan na lamang ang mga sangkot sa katiwalian at huwag nang ilipat sa ibang rehiyon.


Ayon kay Morales, ang dapat imbestigahan ay ang mga ospital at doktor dahil doon nagaganap ang korupsiyon. Sang-ayon tayo riyan, pero hindi ‘yan mangyayari kung iniimbestigahan ng PhilHealth ang mga singil nila.


Samantala, ang mga dialysis center na paborito umano ng ilang opisyal ng PhilHealth ang nais imbestigahan ng Senado. Ito na ang kanilang pagkakataon upang linisin ang kanilang pangalan at imahe kung hindi sila sangkot sa katiwalian.


Gayunman, hindi lahat masaya sa bagong puwesto ni Gierran sapagkat may batas umano na ang dapat mamuno sa nasabing ahensiya ay may pitong taong karanasan sa public health at marunong sa pinansiyal na kalakaran na hindi nasunod kay Morales na dating sundalo.


Si Gierran ay abogado at accountant kaya siguro sa kanya humingi ng pagkakataon para linisin ang PhilHealth. Tingnan na lang natin. Huwag sana siyang makain ng bulok na sistema.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page