Ipinalabas sa South Korea… WILBERT, KONTRABIDA SA KOREAN MOVIE

ni Rohn Romulo @Run Wild | August 16, 2026

Photo: IG _wilbertross
Maituturing na isang malaking karangalan at tagumpay para sa mga Filipino actors ang kolaborasyon sa mga Korean stars sa action-thriller na The Guardian (TG) na ipinalabas na sa South Korea last June.
Ang pelikulang ito na mula sa direksiyon ni Jeong Jang Hwan (kilala sa Steel Rain at Save the Green Planet!) ay pinagbibidahan ng K-Pop idol at vocalist ng grupong Infinite na si Nam Woo-hyun, kasama si Park Eun-hye, isang sikat na Hallyu star mula sa epic drama series na Jewel in the Palace. Makakasama nila sina Wilbert Ross, Eric Ejercito at Yassi Pressman.
Inamin nina Wilbert at Eric na nag-audition talaga sila para sa roles at hindi in-offer sa kanila.
Kuwento ni Wilbert, “Nag-send ako ng video, s’ya naman (Eric), nag-send ng short film. Nag-audition din kami nang live.
“Tapos, ang role na in-audition ko, ‘yung role ni Eric, tapos s’ya agad ang nakuha.
“Parang last minute ako, kasi ‘di puwede ‘yung first na nakuha nila.
“Kaya nabigla ako dahil first action movie ko ‘to, pinaghandaan ko talaga. Nag-training ako nang nag-training para pagdating ko sa set, para ‘di ako magmukhang tanga.
“Wala kasi akong masyadong training or experience sa kahit na anong martial arts. At sa tingin ko naman, naitawid ko nang maayos dahil sinipagan ko naman.”
First time na gaganap ni Wilbert na kontrabida at sa international movie pa.
“Bago sa akin ang role na magiging kalaban ng bida,” sambit ni Wilbert na nagdiriwang ng kanyang ika-10 taon bilang singer-actor.
Sey niya, “Tat*nga-t*nga kasi ang mga naibibigay sa akin, kaya sobrang ibang-iba na Wilbert ang mapapanood dito.”
Kuwento naman ng anak ni E.R. Ejercito na si Eric, “Nag-switch kami ng challenges, kasi usually he (Wilbert) does comedy, and I do action. So the challenge was accepted.”
Si Eric ang naging representative ng mga Filipino stars sa premiere night ng TG last June sa South Korea, kung saan um-attend ang Korean cast. Kabilang din sa pelikulang ito sina Ashtine Olviga, Billy Villeta, Jacq Yu, Fatima, Yumi, Heart Ryan, Joko Diaz, Katya Santos at Jeric Raval.
Mapapanood na ito sa mga sinehan simula sa Setyembre 2, 2026, na hatid ng Viva Films. Magkakaroon din ito ng worldwide release na ikinagulat nina Wilbert at Eric nang i-announce ito sa naganap na mediacon.
PERFORMANCE NG BINI SA SUMMER SONIC MUSIC FESTIVAL, NAG-TRENDING WORLDWIDE
NAG-TRENDING worldwide ang Nation’s Girl Group na BINI dahil sa kahanga-hangang performance sa Summer Sonic Music Festival sa Osaka, Japan.
Pinag-usapan ang kanilang pagtatanghal sa online world, na naging top trending topic sa X (dating Twitter) worldwide, kabilang ang Pilipinas.
Naghanda ang BINI ng siyam na awitin na kinabibilangan ng Cherry on Top, Zero Pressure, Out of My Head, Blush, Step Back at Sugar Rush.
Nag-record din sila ng Japanese version ng Born to Win para itanghal sa Japan.
At hindi lang iyon, dahil ang ilang lines sa hit song nilang Salamin, Salamin ay tinranslate sa Japanese.
Nagtapos ang kanilang performance sa sikat ding awitin na Pantropiko.
After Osaka, ngayong Linggo, Agosto 16, sa Tokyo naman magpe-perform ang BINI para sa ikalawang bahagi ng kanilang Summer Sonic debut.
Samantala, nasa Japan din ang SB19 para sa naturang music festival, kung saan trending din ang kanilang performances.
At sa ‘Bini-log’ ng BINI, ibinahagi ang pagkikita nila ng SB19 sa backstage ng Rohnert Park sa California noong August 8, para sa kani-kanilang U.S. (United States) tour, bago sila pumunta sa Japan.
Nagkaroon sila ng collab kung saan makikitang sumasayaw sila sa Step Back ng BINI. Makikita rin ang photos ng dalawang grupo na parehong official Philippine Tourism Ambassadors.
Kaya naman tuwang-tuwa ang mga A’tin at Blooms sa pagsasama ng Kings and Queens of P-pop.
Sabi pa ng mga fans nila, “Let’s go, SBINI19 (SB19 at BINI)!”





Comments