Ipapasok sa rehab, nakatakas… UTOL NI ECHO, 5 ARAW NANG NAWAWALA
- BULGAR

- 2 days ago
- 3 min read
ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | June 26, 2026

Photo: Coco Martin / Sigabo
Nanawagan sa kanyang Facebook (FB) account ang asawa ni Jeremiah Rosales na si Jhen Go dahil limang araw nang hindi umuuwi at walang komunikasyon sa kanila ang kanyang mister, bagay na hindi pa nangyayari kahit kailan.
Si Jeremiah ay nakababatang kapatid ng aktor na si Jericho Rosales at umalis daw ito sa bahay nila sa Maia Alta Subdivision, Antipolo City nu’ng Hunyo 20. Ika-limang araw na kahapon, June 25, na walang paramdam ang kapatid ni Echo.
Ang caption ni Jhen sa ipinost niyang larawan ng asawa, “Please help us find this missing person. He was last seen in Maia Alta Subd. He was on a motorcycle. If you have any information regarding his whereabouts, please contact me at 09494989581.”
Hiningan namin ng kuwento si Jhen sa pamamagitan ng FB Messenger kung ano ang nangyari dahil ang alam namin ay okay naman sila mula nang bumalik ito sa pamilya.
Sagot sa amin, “Oo, ate, relapse na naman.”
Ibig sabihin ni Jhen sa relapse ay bumalik sa dating bisyo ang asawa dahil nabarkada ulit at medyo mas matindi raw ngayon.
“Father’s Day gift namin sa kanya ng Kuya (Echo) niya, sa rehab (ipapasok). Kasi malala na ang case, nagsasalita mag-isa,” kuwento ni Jhen.
Nitong Hunyo 20 ay susunduin sana si Jeremiah ng staff ng rehab kung saan ipapasok para magpagamot, pero tumakas daw ito at dala ang motor.
“Natakasan n’ya ang rehab. Need talaga s’ya mahanap,” sey ng wifey ni Jeremiah.
Nagkaroon daw ng pagtatalo ang mag-asawa dahil nga bumalik sa bisyo si Jeremiah, bagay na hindi na kayang kontrolin dahil mas matindi ngayon kaya kailangang i-rehab.
Nabanggit din sa amin ni Jhen na napapagod na raw siyang intindihin si Jeremiah dahil may-edad na sila at malalaki na ang mga anak.
Kaya nasabi raw niya sa asawa na, “Iiwanan na kita,” bagay na ikinagalit nang husto nito. Wala namang binanggit kung pinagbuhatan siya ng kamay.
Anyway, sobrang nag-aalala rin ang mga anak ni Jeremiah na ayon kay Jhen ay sobrang mahal na mahal ang kanilang ama.
Sa kasalukuyan ay wala pang reaksiyon ang kuya ni Jeremiah na si Jericho Rosales tungkol dito. Sobrang mahal na mahal ng aktor ang kanyang kapatid.
ABUT-ABOT ang tuwa ng aktres na si Maris Racal habang hawak niya ang kauna-unahang Best Lead Performance Award para sa pelikulang Sunshine na idinirek ni Antoinette Jadaone.
Ipinost ni Maris sa kanyang Instagram (IG) account ang larawan habang hawak ang tropeo.
Aniya, “My first Best Actress win. Thank you @sffrpinoyrebyu for this recognition. This will always be special to me.”
Kinilala si Maris ng 6th Pinoy Rebyu Awards mula sa Society of Filipino Film Reviewers.
Hindi mabilang ang mga bumati sa aktres mula sa showbiz at non-showbiz friends nito, isama pa ang mga supporters niya na talagang nakiisa sa kanyang tagumpay.
Ang dating presidente ng ABS-CBN na si Ma’am Charo Santos-Concio ay bumati rin kay Maris.
Aniya, “Congratulations @mariesteller. So proud of you!”
Sey ni Kyle Echarri, “Congrats, Maris!”
“So proud of you! First of many!!! (heart emoji),” mula kay Darla Sauler.
Matatandaang nakamit ng pelikulang Sunshine ang Crystal Bear for Best Film sa 75th Berlin International Film Festival noong February, 2025 bago ito nagkaroon ng theatrical release ngayong taon.
Sey ng aktres sa mga panayam niya noon tungkol sa pelikula, “Ito ‘yung project na magiging proud ako na nagawa ko dahil sa sobrang ganda ng mensahe. Forever kong babaunin ang natutunan ko rito.”
Ang tanong ng madlang pipol, maiuuwi kaya ni Maris Racal ang ikalawang Best Actress award niya mula sa 9th EDDYS na gaganapin sa Marriott Hotel sa Hulyo 5?





Comments