Inumpisahan kay ex-PGMA, PBBM na ngayon… CARLO: MRT-7, NABUBULOK NA, ‘DI PA RIN NAGAGAMIT
- BULGAR

- Apr 10
- 2 min read
ni Beth Gelena @Bulgary | April 10, 2026

Photo: IG _jose_liwanag
May hugot post ang aktor na si Carlo Aquino hinggil sa MRT-7.
Aniya sa kanyang Instagram (IG) Story, “Nabulok na lang, ‘di pa rin nagagamit,” kalakip ang litrato ng tren na nakatengga sa riles. Agad itong pinag-usapan ng mga netizens.
Nagsimula ang proyekto sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at napirmahan ang kontrata noong 2008.
Sa panahon ng dating Pangulong Benigno Aquino III sinimulan ang konstruksiyon noong Abril 2016, na ipinagpatuloy sa ilalim ng ‘Build, Build, Build’ program ng dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin ito natatapos at umabot na sa administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos (PBBM) sa ilalim ng ‘Build Better More’.
Ang MRT-7 ay may 22 kilometrong riles mula North Avenue sa Quezon City hanggang San Jose del Monte, Bulacan.
VICE-VIC SA MMFF 2026, PANTAPAT SA MARIAN-DINGDONG
USAP-USAPAN ang posibleng pagsasama nina Vice Ganda at Vic Sotto sa isang pelikula para sa Metro Manila Film Festival (MMFF) 2026.
Kamakailan, inanunsiyo ng MMFF ang deadline ng entries, dahilan para umugong ang mga espekulasyon kung sinu-sino ang kasali.
Kabilang sa mga napag-uusapan ang bagong proyekto nina Dingdong Dantes at Marian Rivera, pati na ang tambalan nina Vic Sotto at Vice Ganda na parehong naging matagumpay sa MMFF.
Inaasahan ding maglalabas ng malalakas na entries ang Star Cinema, Viva Films, GMA Pictures, Regal Entertainment at ilang mga independent producers.
MULING naging usap-usapan si Xyriel Manabat matapos niyang sagutin ang isang Transport Network Vehicle Service (TNVS) driver na nag-post ng hindi kaaya-ayang kuwento tungkol sa kanya.
Marami ang kumampi sa aktres at sinabing tama lamang na ipaglaban niya ang sarili at ipaalala na may hangganan ang pagbibiro sa social media.
Para sa iba, paalala ito na kahit simpleng post ay may epekto, lalo na kung may bahid ng pambabastos.
Sa huli, malinaw ang mensahe, hindi lang views ang mahalaga kundi respeto.
Komento ng mga netizens:
“LTO (Land Transportation Office) is waving manyakol.”
“May isa na namang driver ang hihingi ng pasensiya at mawawalan ng lisensiya.”
“‘Yung mga ganyang ugali ng driver, inire-report sa mga kapulisan para mabigyan ng aksiyon at leksiyon at matutong rumespeto, bata o may-edad.”
“Dapat ‘di naka-blur ang mukha ng driver.”
Nakakagalit at nakakadismaya ang ganitong uri ng pambabastos. ‘Di biro ang pinagdaraanan ng mga babae mula sa kalsada hanggang sa digital world.
Ang nangyari ay halimbawa ng technology-facilitated gender-based violence kung saan ginagamit ang mga platform para mang-harass at manghiya. Hindi ito hiwalay sa realidad ng kababaihan kundi extension ng sistemang patuloy na pambabastos.
Hindi ‘joke’ ang pambabastos, isa itong anyo ng karahasan.
Bilang mga babae at kakampi, hindi dapat manahimik. Karapatan ang maging ligtas sa kalsada, sa trabaho, at sa internet. Panahon na para panagutin ang mga gumagawa nito at wakasan ang kultura ng pananahimik at pag-normalize ng harassment.
Ang laban na ito ay para sa lahat ng kababaihan. Sama-sama dapat manindigan at labanan ang anumang anyo ng karahasan, online man o offline.




Comments