Ibinuking ni Ashley…. IVANA, NABUDOL SA P25M PREMYO SA BEAUTY PAGEANT

ni Lucille Galon @Special Article | October 23, 2026

Photo: IG _ivanaalawi _ashleyortega
Ibinulgar ng aktres na si Ashley Ortega na maging si Ivana Alawi ay nabudol na may P25 million cash prize ang ‘Queen of the Islands’ pageant na bahagi ng pelikulang Red Crown (RC).
Sa guest appearance ni Ashley sa Kapuso ArtisTambayan noong October 21 kasama ang kanyang co-star na si Sanya Lopez, ibinahagi niyang marami ang nag-message sa kanya at nag-good luck dahil akala ng mga ito ay sasali siya sa isang beauty pageant.
“Ako, sa totoo lang, ang daming nag-message na, ‘Uy, sasali ka ng pageant, good luck.’ Isa pa nga ‘tong si Ivana Alawi,” kuwento ni Ashley.
“Totoo ‘to, nag-message s’ya sa ‘kin. Sabi n’ya, ‘Good luck, Be.’ Sabi ko, ‘Movie ‘yan.’ Sabi n’ya, ‘‘Di totoo ‘yung P25 million?’ Sabi ko, ‘Totoo naman, pero sa movie.’ So naniwala s’ya,” kuwento ng aktres.
Ayon pa kay Ashley, nagtagumpay ang kanilang promotional campaign dahil maraming tao ang naniwalang totoong pageant ang Queen of the Islands.
Ang ‘Queen of the Islands’ ay isang fictional beauty pageant sa satirical comedy-thriller na Red Crown ng GMA Pictures. Tampok dito ang 25 kandidatang naglalaban-laban para sa titulo at P25 million cash prize.





Comments