Interes na napagkasunduan sa utang, maaaring bawasan kung ‘di makatao
- BULGAR

- 48 minutes ago
- 3 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | December 4, 2025

Dear Chief Acosta,
Sa kasamaang palad ay nagkasakit ang anak ko at kinakailangan na siya ay maoperahan. Dahil wala kaming pera na pangpaopera, napilitan kaming lumapit sa mga tinatawag na “loan sharks” o iyong mga patubuan na may matataas na interes. Ayon sa aming napag-usapan ay uutang kami ng P100,000.00 at ito ay may buwanang tubo na limang porsyento (5%) na kinakailangang bayaran sa loob ng 10 buwan. Kapag may buwan na kami ay hindi makapagbayad, ang 5% interes ay idadagdag sa aming “principal” na inutang. Ang tawag niya rito ay “compounded interest.” Nakiusap kami na bawasan niya ang interes, ngunit ayaw niyang pumayag dahil ito diumano ay amin nang pinagkasunduan. Nais lang naming malaman kung may mga pagkakataon ba na binabawasan ng korte ang interes sa utang kahit na ito ay napag-usapan na ng mga partido? -- Estelita
Dear Estelita,
Nakasulat sa ating batas na ang mga partido sa isang kontrata ay maaaring gumawa ng mga kasunduan o kondisyon. Kinakailangan lamang na ang mga nasabing kasunduan o kondisyon ay hindi kumokontra sa batas, moralidad, magandang kaugalian, pampublikong kaayusan at kasanayan:
“Article 1306. The contracting parties may establish such stipulations, clauses, terms and conditions as they may deem convenient, provided they are not contrary to law, morals, good customs, public order, or public policy.” (New Civil Code)
Sa isang kontrata ng kautangan, madalas na pinagkakasunduan ng mga partido ang interes na ipapataw ng nagpapautang. Ang pinagkasunduang interes ay ipinag-uutos ng batas na napapaloob sa isang kasulatan upang ito ay maipatupad o masingil ng nagpautang.
Bagama’t pinapayagan ng batas na pagkasunduan ng mga partido ang halaga ng interes na idaragdag sa inutang na halaga, nilinaw din ng Korte Suprema sa kasong Sps. Isagani Castro, et al. vs. Angelina De Leon, et al., sa pamamagitan ng Kagalang-galang na Mahistrado Mariano C. Del Castillo na:
“The imposition of an unconscionable rate of interest on a money debt, even if knowingly and voluntarily assumed, is immoral and unjust. It is tantamount to a repugnant spoliation and an iniquitous deprivation of property, repulsive to the common sense of man. It has no support in law, in principles of justice, or in the human conscience nor is there any reason whatsoever which may justify such imposition as righteous and as one that may be sustained within the sphere of public or private morals. x x x
While we agree with petitioners that parties to a loan agreement have wide latitude to stipulate on any interest rate in view of the Central Bank Circular No. 905 s. 1982 which suspended the Usury Law ceiling on interest effective January 1, 1983, it is also worth stressing that interest rates whenever unconscionable may still be declared illegal.
x x x In several cases, we have ruled that stipulations authorizing iniquitous or unconscionable interests are contrary to morals, if not against the law.”
Samakatuwid, malinaw ang nakasaad sa nasabing desisyon na bagama’t kalayaan ng mga partido na pag-usapan ang halaga ng interes na ipapataw, maaari pa ring bawasan ng Korte ang nasabing interes kung ito ay masyadong mataas, at hindi na patas o makatao.
Sa iyong sitwasyon, bagama’t napag-usapan ninyo na ng iyong inutangan ang halaga ng interes, maaari itong bawasan ng korte kung mapatutunayan na ang nasabing interes ay masyadong mataas at hindi na makatao.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.








Comments