Information and communications technology infrastructure sa ‘Pinas, panahon na!
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | July 09, 2021
Nagsagawa noong Miyerkules ng webinar sa Senado hinggil sa “Open Access in Data Transmission Act” na inorganisa ng Senate Economic Planning Office at nilahukan ng independent ICT policy researcher at kapwa natin public servants.
Napakalaki ng ating pasasalamat dahil naimbitahan tayong maging bahagi ng isinagawang talakayan bilang isa nga sa may akda ng Open Access in Data Transmission Act at naging mabunga naman ito.
Isinumite natin ang Senate Bill Number 911 dahil sa hiling ng marami nating kababayan na panahon na para magkaroon ng mas maayos na information and communications technology infrastructure sa Pilipinas.
Nakatutuwa na ang naibigay sa ating Senate Bill number sa ating panukala ay 9-1-1 isang kilalang emergency number na mabilis magbigay-responde dahil angkop ito sa deskripsiyon sa kasalukuyang estado ng internet connection at data transmission sa ating bansa.
Pakiramdam natin ay kinatigan pa ng panahon ang panukalang ito dahil magandang senyales ang pagkakatalaga ng 911 dahil kung ikukumpara ito sa ibang bansa ay para bang nasa state of emergency at kinakailangan ng agarang rescue at assistance.
Matagal nang dumaraing ang marami nating kababayan na isinasakripisyo ang ilang mga gastusin para lamang magkaroon ng sapat na koneksiyon at mas maayos na serbisyo ng internet, lalo na ngayong panahon ng pandemya.
Hindi natin iisa-isahin pa ang dinaranas na hinagpis ng marami nating kababayan ngunit naniniwala tayong napakarami ng masamang epekto nito sa maraming aspeto ng ating buhay mula mag-aaral hanggang mga negosyo sa bansa.
Hayaan n’yo na lamang na ipunto natin ang limang kadahilanan na tinawag nating 5G — kung bakit kinailangan nating isumite ang panukalang-batas at kung bakit mahalagang makapasa at maging ganap sa lalong madaling panahon.
Una, GARANTISADO — kailangan natin ng serbisyo ng internet na maaasahan, steady at mabilis sa lahat ng pagkakataon, hindi ‘yung signal na putul-putol, biglang nawawala o kapag minalas ay wala talagang ka-signal-signal kahit kumpleto naman ang ibinayad ng ating mga kababayan.
Ikalawa, GAAN — kailangan natin ng data service na affordable, sa maikling salita ay hindi dapat mabigat sa bulsa at abot-kaya dapat ng ordinaryo nating kababayan, partikular ang mga mag-aaral na wala namang hanapbuhay.
Ikatlo, GROWTH — kailangan natin ng internet services na magpapalakas sa pag-unlad ng komunidad at bawat indibidwal; matatag na sandigan para sa isinagawa nating online learning, digital economy atbp; higit sa lahat ay maging malakas na sandata ito tungo sa muling pagbangon mula sa gitna nang paghina ng ekonomiya.
Ikaapat, GAME CHANGING — ang ating bansa ay nangangailangan ng mabilis na developments at dapat ay pasiglahin ang pagbabago sa digital world. Ang dinaranas nating krisis sa kalusugan dulot ng pandemya ang siyang naghatid sa maraming sektor sa online platforms, tulad ng telemedicine, e-government, at maging sa entertainment.
Naniniwala tayong ang pinagbuting digital landscape at national policy ay magsisilbing game-changer para sa maraming industriya na nag-aalok ng kaginhawaan, kasaganaan at walang katapusang pagkakataon.
Ikalima, GINHAWA para sa lahat — walang dapat na mapag-iwanan, bawat Pilipino mula sa mga urban areas hanggang sa kasuluksulukan ng mga barrio ay kailangang magkaroon ng access sa digital world. Lalo pa at unti-unti nang tinatanggap na ang internet access ay isa nang basic right ng lahat.
Ganito natin pinaghandaan ang mga ibinahagi natin sa isinagawang talakayan na higit pa sa ating inaasahan ay lumabas pa ang mas maraming mahahalagang bagay na nakapagpatibay para mapabilis na maisakatuparan ang panukalang ito.
Sa kabuuan ay naging produktibo at mabunga ang naturang paghaharap-harap hinggil dito at ikinasiya nating makatanggap ng maraming inputs at rekomendasyon mula sa mga eksperto at resource person upang mas mapaganda pa at mapulido ang panukalang batas.
Sa mga kababayan natin, kaunting tiis pa at sana ay samahan natin ng panalangin na katigan tayo ng panahon na maging batas ang panukalang ito sa mas mabilis na panahon upang agad nating pakinabangan at maibsan na ang pagdurusang dinaranas natin mula sa hindi maayos na serbisyo ng internet sa bansa.
Sana ay maisaayos na rin ang ilang pananamantala ng ilang telecommunications company (telcos) tulad ng maraming insidente ng nababawasan o nawawalang load na ilang taon nang problema pero hanggang ngayon ay nangyayari pa rin.
May pagkakataon din na halimbawa ay nag-load ng P100 gamit ang kahit anong load wallet ay hindi agad sasagot ang telcos kaya makaraan ang ilang sandali ay uulitin ang paglo-load ng P100 sa pag-aakalang hindi pumasok, tapos bigla nang sasagot ang telcos ng dalawang magkasunod na rehistrado ka na — ibig sabihin ayos na ang load.
Pero ang resulta P200 ang nawala sa load wallet mo pero P100 lang ang pakikinabangan, kapag itinawag sa telcos ‘yung nangyari sasabihin lang nilang ‘ganun talaga’ at goodbye na ang P100!
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments