Inakusahang nambastos ng babae… COCO, AMINADONG NAUBOS ANG MGA ENDORSEMENTS NANG MA-BASH SA SOCMED

ni Janiz Navida @Showbiz Special | October 28, 2026

Photo: File / Coco Martin SS / Mang Inasal
Ang ganda ng kuwento ni Coco Martin kung bakit umabot siya ng 10 yrs. bilang endorser ng Mang Inasal.
Sa ginanap na intimate interview kay Coco kasama ang presidente ng Mang Inasal na si Mr. Mike Castro kaugnay ng Ihaw Fest 2026 celebration ng kumpanya, naikuwento ni Coco na dumating pala sa puntong bumagsak ang kanyang mga endorsements noon. Sakto naman ang pagpasok niya bilang endorser ng Mang Inasal.
Nangyari raw ito several years ago nang maging endorser siya ng isang clothing brand. Sa isang fashion show na ginawa niya, inutusan daw siya ng direktor na hawakan ang dulo ng tali kung saan sa kabilang dulo ay may babaeng nagsisirko.
Na-bash daw siya nang husto dahil dito. Ang tingin kasi ng grupong Gabriela at iba pa ay binastos niya ang babae.
Hindi naman daw maipagtanggol ni Coco ang sarili that time dahil Canadian ang direktor nila sa fashion show, eh, hindi naman daw siya magaling mag-Ingles kaya paano niya kukuwestiyunin ang utos?
Saka wala naman daw siyang nakitang malisya sa ginawa niya dahil kahit nag-a-acrobat ‘yung babae ay circus naman ang concept, kaya para sa kanya ay walang masama roon.
Pero dahil nga ru’n, nawala ang lahat ng endorsements niya. Mang Inasal lang daw ang nag-iisang nag-stay at nagtiwala sa kanya.
Kaya naman matibay ang naging samahan nila at in fact, inamin nga ni Coco na pinag-uusapan na nila ni Mr. Mike Castro na maglagay ng mga branches ng Mang Inasal sa iba’t ibang bansa. Ito raw talaga ang pangarap ni Coco dahil naniniwala siyang hindi lang mga Pinoy ang tatangkilik dito kundi maging ang ibang lahi.
Natatawang sabi pa ni Coco, sana raw ay yumaman siya para makapag-franchise siya ng Mang Inasal at makapagtayo nga sila ni Julia Montes ng branch nito abroad.
Push mo ‘yan, Direk Coco!
GRABE pala ang impact kay John “Sweet” Lapus ng ilang episodes ng Shake, Rattle & Roll (SRR) na Pridyider (1984) at Aswang (1990).
Sa nakaraang SRR x BingoPlus collab night para sa launching ng bagong limang horror online games sa BingoPlus app na inspired sa Shake, Rattle & Roll, nabanggit ni Sweet na two weeks daw siyang hindi nagbukas ng kanilang ref dahil baka mangyari rin ‘yung nangyari sa movie kung saan kasama si Janice de Belen.
Isa si Janice sa mga gumanap sa Pridyider episode ng SRR at nagulat nga raw siya sa malakas na impact nito sa mga manonood. Akala niya ay ‘yung “anak ni Janice” lang ang tatatak sa kanya, ‘yun pala, pati itong Pridyider episode.
Sabi pa ni Sweet, ilang taon din daw na hindi siya sumasama sa mga kaibigang nagyayayang magbakasyon sa mga probinsiya dahil sa takot niyang magaya ru’n sa episode nina Manilyn Reynes at Ana Roces na Aswang. Hahaha!
Samantala, bukod kina Janice at Sweet, present din sa BingoPlus x SRR collab night si JC de Vera na lumabas din sa Ahas at Emergency episodes ng Shake, Rattle & Roll.
Of course, nandu’n din sina Ms. Roselle Monteverde at Sir Keith Monteverde ng Regal Entertainment para sa partnership nila ng BingoPlus, a platform under DigiPlus Interactive Corp..
Ilan sa mga SRR episodes na bahagi na ngayon ng mga online games sa BingoPlus app simula nu’ng October 22 ay ang Manananggal, Reyna Ahas, Triple Terror, LRT Monster, at Aswang.
Bukod sa BingoPlus app, nasa ibang platforms din ng DigiPlus ang mga naturang games tulad sa ArenaPlus at GameZone.
Ani Ms. Roselle sa collab nila ng DigiPlus, “For more than four decades, Shake, Rattle & Roll has remained part of Philippine popular culture through stories that are distinctly Filipino.
“Our collaboration with DigiPlus opens a new chapter for the franchise, bringing its creative legacy into digital entertainment while preserving the storytelling and cultural identity that have made it enduring.”
Sabi naman ni DigiPlus Chairman Eusebio Tanco, “Our goal is to give our players premium entertainment. This partnership is also an example of how we work: we put our customers first. We listen to what our players enjoy, and we keep working to give them something fresh, engaging, and made for them. The Shake, Rattle & Roll games are part of that commitment.”
Sintunado raw, kinakapos ng hininga, boses-palaka, etc... KAKIE, KINANTA ANG BITUING WALANG NINGNING NI SHARON, NALAIT NANG TODO
AWANG-AWA kami kay Kakie Pangilinan na kinanta lang naman ang Bituing Walang Ningning ni Megastar Sharon Cuneta sa katatapos na 42nd PMPC Star Awards for Movies nu’ng Linggo bilang tribute sa inang pinarangalan bilang Nora Aunor Lifetime Achievement Awardee, aba’y pinaulanan na nang sangkatutak na panlalait ng mga netizens.
‘Di kami sure kung nakarating na kay Kakie ang reaksiyon ng mga netizens sa nai-post naming video reel niya sa Facebook na kinakanta ang Bituing Walang Ninging ng kanyang inang Megastar, pero kung mababasa ng anak nina Ate Shawie at Sen. Kiko Pangilinan ang mga comments, imposibleng hindi maapektuhan ang mental health niya, unless sanay na siya sa mga bashers.
Grabe kasi ang panlalait sa boses at paraan ng pagkanta ni Kakie. May nagsabing sintunado siya, trying hard, naghahabol ng hininga, boses-palaka at may nag-comment pa ngang mas masarap siyang pakinggan kapag naka-mute ang cellphone.
‘Kalokah talaga ang mga netizens, ang harsh nila!
In fairness kay Kakie, ginawa naman niya ang best niya. Ang mahirap lang kasi, naikumpara siya sa boses ng kanyang inang magaling na singer lalo’t very iconic ang Bituing Walang Ningning.
Siguro, after this, first and last time nang kakantahin ni Kakie ang naturang song ni Mega.





Comments