Inaalok sa 2022 elections… WILLIE KAY P-DU30: IPAGDARASAL KO PO ANG DESISYON KO!
ni Vinia Vivar - @Frankly Speaking | March 22, 2021

Ikinuwento ng TV host-comedian na si Willie Revillame ang detalye ng pagbisita niya sa Malacañang at pakikipagkita kay Pangulong Rodrigo Duterte noong nakaraang linggo.
“Dumating po ako roon (sa Malacañang) nang 7:30 (PM),” simulang kuwento ni Willie sa recent episode ng Wowowin habang ipinapakita ang mga larawan nila nina PRRD at Sen. Bong Go na nasa isang dining table.
“Nakita n’yo ‘yung kabilang relos ko, parang mayroong ano, sa ospital, parang name tag. Bago ka pala makapasok sa Malacañang, kailangang may ganu’n ka. Tutunog 'pag nag-isip ka ng masama. Eh, hindi ako nag-isip ng masama, hindi ho tumunog,” pabirong kuwento ni Willie.
Kasama niyang dumalo sa dinner ang kanyang legal adviser na si Atty. Ferdie Domingo. Ikinuwento rin niyang bago sila umakyat ay sumailalim muna sila sa swab test.
“Isa pong malaking karangalan na maimbitahan po ako ng mahal na Pangulo, Sen. Bong Go at Sec. Medialdea, dahil po wala kaming pinag-usapan about politics,” ani Willie.
Inimbita siya ni PRRD para raw personal siyang pasalamatan sa mga pagtulong na kanyang ginagawa para sa ating mga kababayan at sey nga ni Willie, sobrang ikina-touched niya ang gesture na ito ng ating Pangulo.
Naikuwento rin niya kung ano ang pinagsaluhan nila sa dinner ni PRRD.
“Kung makikita n’yo, napakasimple ng dinner. Bawal pala ang steak sa Malacañang. ‘Yung plato, maliit, maliit na kanin lang, mayroon kaming isda na prito. Mayroong puso, tapos mayroong sitaw at mayroon ho roong talong at bagoong. Saka isang soup lang.
“Simpleng-simple lang po. Sabi ng Presidente, ‘Bawal kasi rito ang pagkain ng mayaman, simple lang, ayaw naming gumastos ng malaki, Willie, dahil marami ang naghihirap.’ So, ‘yun ho ang kinain namin, napakasimple,” kuwento ni Willie.
Sinabihan din daw siya ng Pangulo na ipagpatuloy ang pagtulong sa ating mga kababayan at nagpasalamat sa kanyang programang Wowowin.
“Alam n’yo pag-uwi ko, parang napakasarap po ng pakiramdam na nabibigyan ka ng pasasalamat ng namumuno ng ating bayan,” he said.
Pero aminado siyang nahihirapan siyang magdesisyon. Kung ano ang kanyang ide-decide ay hindi na niya sinabi pero may kutob kaming ito na ‘yung tsikang kinukuha siya ng Pangulo para tumakbo sa darating na eleksiyon.
“Mahirap ho kasi ‘yung magdesisyon sa buhay, eh. Pero mahirap pong iwanan ang programang ito. Maraming umaasa rito. Ang sabi ko lang sa mahal na Pangulo, ‘Ipagdarasal ko hong mabuti at pag-iisipan ko itong desisyon ko. Pero sa ngayon ho, hindi ko po puwedeng iwanan ang programang Wowowin,’” saad pa ni Willie.
Sinabi rin ng TV host na kahit sino pa raw ang maging presidente ay patuloy siyang tutulong sa mga kapus-palad nating kababayan.





Comments