Improvised na plaka, hindi na puwedeng gamitin
- BULGAR

- Oct 4
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | October 4, 2025

Sa dami ng mga pasaway sa lansangan, hindi na nakapagtataka kung bakit kailangan ng mas mahigpit na aksyon ang pamahalaan.
Kung dati’y nagiging palusot ang kakulangan ng license plates, ngayon ay wala nang dahilan para gumamit ng mga pansamantalang plaka ng mga sasakyan.
Dapat lang na patawan ng mabigat na parusa ang mga motorista na patuloy na sumusuway, dahil kung tutuusin, ang pagmamaneho sa lansangan ay may kaakibat na responsibilidad.
Mula Nobyembre 1, 2025, ipatutupad na ng Land Transportation Office (LTO) ang pagbabawal sa paggamit ng mga improvised at temporary vehicle plates.
Ayon kay LTO Chief Atty. Vigor Mendoza II, nakumpleto na ng ahensya ang backlog sa mga plaka ng motorsiklo, kaya’t wala nang rason para magtiyaga sa mga temporary plates. Sinumang lalabag ay pagmumultahin ng P5,000, at kukumpiskahin ang kanilang plaka. Dagdag pa rito, hindi rin tatanggapin sa registration renewal ang mga sasakyang gumagamit pa ng ganitong uri ng plaka.
Pinayuhan naman ng kagawaran ang mga motorista sa mga hindi pa kumukuha ng kanilang plaka na gawin na ito ngayong Oktubre upang maiwasan ang abala kapag sinimulan na ang pagpapatupad ng nasabing patakaran.
Kasabay nito, nilinaw ni Mendoza na may ilang pagkakataong papayagan ang improvised plate kung ito ay awtorisado at pirmado ng kaukulang LTO office. Dapat ang gagamiting plate ay naglalaman ng opisyal na plate number at may nakasulat na “Improvised Plate” bilang pahiwatig. Ang naturang hakbang ay bahagi ng plano ng LTO at Department of Transportation (DOTr) na tiyakin ang sabayang paglabas ng official receipt, certificate of registration, at mismong plaka sa araw ng pagbili ng sasakyan.
Sa ngayon ay nagkakasa rin ng distribusyon ng motorcycle plates ang DOTr upang tuluyang malutas ang dating problema sa backlog.
Kung tutuusin, matagal nang reklamo ng publiko ang mga plaka — ang mabagal na proseso, ang matagal na paghihintay, at ang kawalan ng malinaw na sistema. At dahil naresolba na ang problema, walang dahilan ang mga motorista para maging pasaway.
Ang mahigpit na pagpapatupad ng patakaran ay hindi lamang pagpapanatili ng disiplina, kundi pagbibigay-diin na ang batas ay dapat igalang.
Makakabuti sa lahat ang ganitong hakbang. Kung may maayos na plaka, madaling matutukoy ang mga motorista, at mas safe ang ating lansangan.
Panahon na para wakasan ang kultura ng palusot at kawalang disiplina.
Tandaan natin ang simpleng pagsunod sa panuntunan ng paggamit ng tamang plaka ay simbolo ng respeto sa batas at kapwa motorista.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments