Importasyon ng mga gamit o pinaglumaang damit, ipinagbabawal
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | June 03, 2021
Dear Chief Acosta,
Balak kong magtayo ng online ukay-ukay business at kaugnay nito, gusto kong mag-angkat ng mga gamit o pinaglumaang damit mula sa ibang bansa dahil mura. Subalit, ayon sa isa kong kakilala ay labag diumano ang pag-i-import ng pinaglumaang damit upang ibenta sa ibang tao. Totoo ba ‘yun? – Amarah
Dear Amarah,
Para sa inyong kaalaman, ang inyong katanungan ay tinatalakay sa Section 86 ng Republic Act No. 4653 o mas kilala sa tawag na“An Act to Safeguard the Health of the People and Maintain the Dignity of the Nation by Declaring It a National Policy to Prohibit the Commercial Importation of Textile Articles Commonly Known As Used Clothing And Rags” kung saan nakasaad na;
“SECTION 1. It shall be unlawful for any person, association or corporation to introduce into any point in the Philippines textile articles commonly known as used clothing and rags except when these are imported under Subsections “i”, “j”, “k”, “l”, “n”, and “v” of Section 105 of Republic Act Numbered Nineteen hundred and thirty-seven.” [Binigyang-diin.]
Ayon sa nabanggit na probisyon ng batas, ipinagbabawal ang pag-aangkat ng mga pinaglumaang damit o “basahan” mula sa ibang bansa maliban na lamang kung ito ay pumasok sa exceptions na inisa-isa ng batas. Ito ay ang mga personal na damit o kasuotan na kasama ng mga Pilipino sa pagbalik nila sa Pilipinas mula abroad; mga damit na dala-dala ng mga turista sa kanilang bagahe sa pagdating sa Pilipinas; mga damit na dala ng mga banyagang producer para sa ginagawang pelikula sa Pilipinas o mga damit na aangkatin para sa mga taong nabiktima ng sakuna.
Kaugnay nito, dahil ang inyong layunin sa pag-aangkat ng mga pinaglumaang damit ay upang ibenta ito sa ibang tao, masasabing tama ang inyong kaibigan sapagkat labag ito sa batas.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments