top of page

Impeachment ni VP Sara, pagbobotohan na sa Kamara

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 2 days ago
  • 2 min read

ni Jeff Tumbado @News | May 5, 2026



House of Reprensentatives PH 2

Photo: House of Reprensentatives PH



Inaprubahan na ng House Committee on Justice nitong Lunes ang committee report na naglalaman ng mga artikulo ng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte, na magbibigay-daan sa botohan ng buong Kamara.


Ang pag-apruba ay nagmula sa mosyon ni House Deputy Speaker Jayjay Suarez, at sinuportahan ng lahat ng 55 miyembro ng komite.


Nangyari ito ilang araw matapos pagtibayin ng panel ang pagkakaroon ng “probable cause” upang i-impeach ang Bise Presidente.


Ayon kay Batangas 2nd District Rep. Gerville Luistro, chairperson ng komite, sinunod umano nila nang mahigpit ang itinakda ng Konstitusyon sa buong proseso.


Sa mga pagdinig ng komite, inilatag ang umano’y mabilis na paglabas ng P125 milyong confidential funds sa loob ng 24 oras, mga kuwestyonableng resibo at “envelopes,” at testimonya ng ilang resource persons.


Iniulat din ng Commission on Audit na may mga notice of disallowance sa paggamit ng confidential funds ng Office of the Vice President, kabilang ang P73 milyon noong 2022 at kabuuang P375 milyon noong 2023.


Samantala, sinabi ng Philippine Statistics Authority (PSA) na walang rekord sa civil registry ang ilang umano’y tumanggap ng pondo, habang kinumpirma naman ng National Bureau of Investigation (NBI) ang ilang detalye kaugnay ng mga pirma at iba pang ebidensya.


Lumabas din sa ulat ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na may kabuuang P6.7 bilyong bank transactions ang na-flag bilang “covered” at “suspicious” na may kaugnayan sa Bise Presidente at sa kanyang asawa na si Atty. Manases Carpio mula 2006 hanggang 2025.


Kabilang din sa tinalakay ang umano’y banta ng Bise Presidente laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at kanyang pamilya, na ayon sa NBI ay maaaring pumasok sa kasong inciting to sedition at grave threats.


Sa susunod na hakbang, isasailalim sa plenaryo ng Kamara ang botohan kung a-aprubahan ang impeachment complaint, na posibleng umusad sa paglilitis sa Senado. 


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page