Impeachment kay VP Sara, ‘wag madiliin — Sen. Robin
- BULGAR

- 2 days ago
- 2 min read
ni Mylene Alfonso @News | April 26, 2026

Photo: File / Robin Padilla at Inday Sara Duterte - FB
Dapat sumunod sa tamang proseso ang isinasagawang impeachment proceedings laban kay Bise Presidente Sara Duterte at hindi rin ito dapat minamadali.
Ayon kay Senador Robinhood Padilla, wala dapat nilalaktawang hakbang sa proseso at dapat itong dumaan sa plenaryo ng Mababang Kapulungan at hindi ito dapat idiretso sa Senado.
“Hindi puwedeng laktawan ang proseso. Kailangan dumaan sa tamang proseso. Paulit-ulit na sinabi ng Korte Suprema ang kahalagahan ng due process. Kapag nilundagan natin ito, wala na namang pupuntahan kundi sayang sa oras at pera ng taumbayan,” wika ng senador.
Kinuwestiyon din ni Padilla kung ang impeachment ba ang tamang sagot sa kinahaharap na suliranin ng bansa.
“Ang tanong—iyan ba talaga ang solusyon sa problema ng bayan? Bakit hindi natin pag-usapan ang sahod ng tao? Halimbawa ang minimum wage. ‘Yan ang tunay na problema ng mamamayan,” saad pa ng senador.
Kaugnay nito, sinabi ni Padilla na tama lamang ang ginawa ni dating House Speaker Martin Romualdez na magsalita sa isang video upang ipagtanggol ang kanyang sarili.
“Sa Pilipinas kasi, nauuna ang trial by publicity. Kapag nanahimik ka, magmumukhang ikaw ang may kasalanan. Sa nakita ko, ipinaliwanag lang niya ang proseso ng budget. Wala naman akong nakita na ipinahamak niya ang sarili niya,” ani Padilla.
“Siguro naramdaman niya na kailangan na niyang magsalita. Kung hindi siya kikilos, baka siya ang tuluyang malubog,” paliwanag ng senador.
Nang tanungin sa hindi pa rin namamatay na usapin kung siya ang tatakbong bise-presidente ni Sara Duterte, sinabi ni Padilla na maraming tao ang magagalit sa kanya dahil magiging mas mahigpit pa siya kaysa kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
“Hindi ako gugustuhin ng marami na maging vice president. Dahil kung ako ang tatanungin, mas magiging mahigpit ako sa kriminalidad, baka mas higpit pa kaysa kay Pangulong Duterte.”
Ayon pa kay Padilla, masyado nang marami ang masasamang tao at ito rin ang dahilan kaya’t mahigpit niyang isinusulong ang death penalty.
Nanawagan ang senador para sa mas malalim na pagtuon sa tunay na problema ng bansa kaysa sa labis na pulitikal na bangayan.
“Parang teleserye na ang pulitika ngayon. Maraming scriptwriter, maraming artista. Pero sana huwag nating kalimutan ang tunay na problema ng bayan,” pagtatapos ni Padilla.




Comments