Search
  • BULGAR

Impeachment kay Trump ilang araw bago tuluyang umalis, dapat lang!

ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | January 12, 2021



Dahil malapit na ang inagurasyon ng pangulo ng Amerika ngayong Jan. 20, minabuti ni U.S. Pres. Donald Trump, na batay sa katatapos na halalan ay natalo ni Joe Biden, na hiyakatin ang kanyang mga taga-suporta na magtungo sa Washington, D.C. at iprotesta ang paniniwala niyang dinaya sila noong eleksiyon.


Ang plano ay hiyakatin ang Kongreso ng Amerika na huwag ituloy ang opisyal na pagbibilang ng tinatawag na electoral votes para kumpirmahin kung sino ang nanalo sa eleksiyon.


Marami ang nagtungo sa Kapitolyo para ipakita ang suporta kay Trump, pero nauwi sa gulo at karahasan ang protesta.


Sinugod ang Kapitolyo, nagbasag ng mga bintana, nanira ng gamit, pinasok ang tanggapan ng ilang mambabatas at nagpalitrato pa. May balita pa na may mga kinuhang kagamitan. May litrato kung saan nakatutok na ang baril ng mga security sa mga taong nais pumasok sa mismong kinalalagyan ng mga mambabatas.


Maraming nasaktan na kapulisan at nang matapos na ang kaguluhan, apat ang kumpirmadong namatay sa panig ng mga nagprotesta, isa sa kanila ay nabaril. Hindi pa alam ang detalye kung bakit siya binaril. Parang people power ang naganap pero imbes na magpatalsik ng diktador, ang nais ng mga nanggulo ay manatili ang kasalukuyang pangulo.


Inuulan ngayon ng batikos si Trump dahil sa naganap sa Kapitolyo. Siya ang sinisisi kung bakit nauwi sa karahasan ang pinaplanong mapayapang kilos-protesta. Sinuspinde ang kanyang Twitter account dahil dito niya umano inudyok ang kanyang mga taga-suporta na manggulo. Kinondena ng maraming pinuno ng ibang bansa ang naganap. Ngayon, imbes na maayos ang kanyang pagbaba sa puwesto, kumikilos ang Kongreso ng Amerika na patalsikin siya sa pamamagitan ng impeachment ilang araw na lang bago manumpa si Joe Biden.


Hindi natin maisip na magaganap ito sa Amerika. Pero naging malinaw na kapag panatiko ang taga-suporta, kahit ano’ng sabihin ng kanilang “poon” ay susundin. Hindi natin akalaing sa karahasan mauuwi ang pangyayari. Nagiging malinaw din na hati na ang Amerika ngayon dahil sa pulitika, dahil na rin sa pag-uudyok at pagtanim ni Trump ng hindi suportadong impormasyon ng pandaraya noong eleksiyon. ‘Yan ang magiging pamana ni Trump sa kasaysayan ng Amerika.

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.