- BULGAR
Imbestigasyon sa ‘misencounter’ sa pagitan ng PDEA at PNP, hayaan sa NBI
ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | March 2, 2021
Ilang beses na nating narinig ang salitang “misencounter” sa panig ng Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP) at iba pang ahensiya tulad ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Kamakailan, may naganap na namang “misencounter” umano sa pagitan ng Quezon City Police District (QCPD) at PDEA sa Ever Gotesco mall sa Commonwealth Avenue. Hindi nawawala ang mga usyoso kaya may mga lumalabas na amateur video ng barilan.
Sa video, tila ‘gera’ ang nangyari sa sunud-sunod na putok mula sa magkaibang panig. Nang matapos ang putukan, dalawang pulis ang unang kumpirmadong patay. Pero sa pagsusulat nito, isang ahente ng PDEA at isang informant ang nasawi na rin—apat na patay sa madugong misencounter. Ano ang nangyari?
Sa ngayon ay iniimbestigahan pa ang dahilan ng insidente. Akala umano ng magkabilang grupo ay mga nagbebenta ng ilegal na droga ang kanilang kausap. Pero sa mga unang ulat ay tila may bumunot at nagpaputok kaya naganap ang barilan. Hindi ba nagpakilala agad ang magkabilang grupo para tumigil muna ang putukan? Kung “duly-coordinated” ang operasyon ng dalawang panig, bakit hindi nagbarilan? At mabanggit na rin nating higit isang bilyong piso ang pinagsamang intelligence funds ng PNP at PDEA. May naitulong ba ang pondong ‘yan o pondo lang talaga at walang ‘intelligence’?
Samantala, dapat unang gagawa ang PNP at PDEA ng joint investigation sa naganap na enkuwentro at pananagutin ang may sala. Hindi natin alam kung aamin ang sinumang grupo na tauhan nila ang may sala, lalo na’t may mga namatay sa hanay nila kaya inutos na ni Pangulong Rodrigo Duterte na tanging ang National Bureau of Investigation (NBI) ang mag-iimbestiga ng insidente. Tama lang ‘yun at ahensiya na walang kinalaman sa insidente ang mag-iimbestiga dahil mahirap na.
Bagama’t walang sibilyang namatay pero hihintayin pa ba nating mangyari ‘yun?