Ilegal na paggamit ng PhilSys ID, may multa at kulong
- BULGAR

- 2 hours ago
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | January 31, 2026

Dear Chief Acosta,
Nakapulot ako ng PhilSys ID ng ibang tao. Nais kong malaman kung ano ang parusa sa maling paggamit ng PhilSys ID ng iba. – Amberlyn
Dear Amberlyn,
Isinabatas ang Republic Act No. 11055 (R.A. No. 11055), o mas kilala bilang “Philippine Identification System Act,” upang magtatag ng isang pambansang sistema ng pagkakakilanlan na tinatawag na “Philippine Identification System” o “PhilSys,” para sa lahat ng mga mamamayan at residenteng dayuhan ng Republika ng Pilipinas. Layunin nito na mapadali at mapabuti ang paghahatid ng mga serbisyo ng pamahalaan, gawing mas episyente at transparent ang mga proseso, at matiyak na ang mga serbisyong pampubliko at panlipunan ay maiparating sa mga taong tunay na nangangailangan nito. Nilalayon din nitong mapahusay ang administratibong pamamahala, mabawasan ang katiwalian at labis na byurukrasya, maiwasan ang mga mapanlinlang na transaksyon at maling representasyon, mapalakas ang pagsasama sa pananalapi, at gawing mas madali ang pagnenegosyo.
Bukod pa rito, ang PhilSys ay nagsisilbing isang panlipunan at pang-ekonomiyang plataporma na maaaring pakinabangan sa iba’t ibang uri ng transaksyon, kabilang ang mga pampubliko at pribadong serbisyo. Nagsisilbi rin itong kawing sa pagtataguyod ng maayos na paghahatid ng serbisyo, pagpapahusay ng administratibong pamamahala, pagbawas ng katiwalian, pagpapalakas ng pagsasama sa pananalapi, at pagtataguyod ng kadalian ng pagnenegosyo.
Kaya naman ang responsable at tapat na paggamit nito ay pinahahalagahan at pinoprotektahan ng batas. Kaugnay nito, nakasaad sa Seksyon 19 ng batas na ito na ang sinumang taong gagamit ng Philippine Identification Card (PhilID) o PhilSys Number (PSN) sa ilegal na paraan o upang gumawa ng anumang mapanlinlang na gawain, o para sa iba pang ilegal na layunin ay parurusahan ng pagkakakulong nang hindi bababa sa anim na buwan ngunit hindi hihigit sa dalawang taon o multang hindi bababa sa P50,000 ngunit hindi hihigit sa P500,000, o parehong multa at pagkakakulong, ayon sa pagpapasya ng korte.
Samantalang ang parusang pagkakakulong mula tatlong taon hanggang anim na taon at multang P1,000,000 hanggang P3,000,000 ay ipapataw sa sinumang gagamit ng PhilID/PSN ng iba o hindi awtorisadong pag-aari ng isang PhilID, nang walang anumang makatwirang dahilan maliban sa taong pinagkalooban nito o ang pag-aari ng isang peke, pinalsipika, o binagong PhilID.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.








Comments