Mga mainitin ang ulo sa kalsada, pagmultahin at panagutin
- BULGAR

- 2 hours ago
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | January 31, 2026

Sa unang buwan ng 2026, muling naging viral ang isang insidente ng road rage na nagpapaalala sa kahalagahan ng disiplina sa kalsada. Sa isang video sa social media, makikitang huminto sa gitna ng kalsada ang isang driver ng sports utility vehicle (SUV), bumaba, at binuhusan ng inumin ang windshield ng kapwa motorista bago tuluyang umalis.
Agad na umaksyon ang Land Transportation Office (LTO). Bagama’t hindi pa tukoy ang driver, naglabas na ang ahensya ng show-cause order laban sa kanya at sa rehistradong may-ari ng SUV. Inaatasan ang may-ari na tukuyin kung sino ang nagmamaneho noong insidente. Nakasaad ang pagdinig sa Pebrero 4, alas-11 ng umaga, sa LTO Intelligence and Investigation Division sa East Avenue, Quezon City.
Ayon sa LTO, kapag nakilala ang driver, sasailalim siya sa 90-araw na preventive suspension at posibleng masuspinde o tuluyang mabawi ang lisensya kung mapatunayang hindi siya karapat-dapat magmaneho. Kabilang sa mga kasong tinitingnan ang obstruction of traffic at pagiging improper person to operate a motor vehicle. Kailangan ding magpaliwanag ang may-ari kung bakit hindi siya dapat managot sa administratibong kaso kaugnay ng registration ng sasakyan.
Habang nagpapatuloy ang imbestigasyon, inilagay na sa alarm status ang nasabing SUV. Giit ng LTO, hindi katanggap-tanggap ang ganitong asal at hindi hahayaang maisakripisyo ang kaligtasan at kapanatagan ng publiko.
Paalaala ng ahensya: ang kalsada ay pampublikong espasyo, hindi personal na teritoryo. Ang mainit na ulo sa manibela ay maaaring magdulot ng panganib sa lahat, mula estudyante hanggang manggagawa. Ang insidenteng ito ay salamin ng mas malalim na problema sa asal, disiplina, at pananagutan.
Hustisya sa kalsada ay hindi lang usapin ng parusa, kundi paalala na ang lisensya ay pribilehiyo, hindi karapatang automatic para sa lahat. Upang maging maayos ang trapiko at maiwasan ang aksidente, kailangan ang respeto sa batas, sa sarili, at sa kapwa.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments