top of page
Search
  • BULGAR

Idol noon, ka-collab na ngayon… SARAH, UMAMING NAI-STARSTRUCK KAY BILLY

ni Julie Bonifacio @Winner | June 12, 2024



Showbiz Photo

      

Matindi ang opening number sa It’s Showtime kahapon. Dalawang bigating OPM icons kasi ang nag-perform, walang iba kundi si Popstar Royalty Sarah Geronimo at si Billy Crawford.


Ipinromote nina Sarah at Billy ang kanilang collab song na My Mind


Nakakatuwa si Billy dahil every time na bumabalik siya sa It’s Showtime, laging pasabog ang kanyang hatid na saya sa madlang pipol. 


Isa sa mga hosts ng show na si Teddy Corpuz ang agad na kumuha ng group shot nila kasama ang iba pang It’s Showtime hosts together with Sarah and Billy at ipinost sa kanyang Instagram.


After ng bonggang performance nina Sarah at Billy, nakipagtsikahan sila sa mga hosts.   


Sey ni Billy,  “Matagal na kami ni Sarah na gustong magtrabaho together. So, this year just made it really happen for us. Produced by Jin Chan and me, isinulat namin ‘yung kanta habang wala pa si Sarah. Pagbalik niya, in few days, tapos na ‘yung My Mind.”


Inamin naman ni Sarah na maliit pa lang siya ay napapanood na niya si Billy Crawford.


“Si Billy ay gem ng Philippine music industry and it’s always a joy and a privilege na mapanood ang ganito kagaling na artist. Totoo ‘yan, we love you Billy as a performer and as a person at maraming salamat, sobra akong honored.  Alam mo nagpapa-cool lang ako sa 'yo lagi pero sobra akong nai-star struck sa 'yo every time,” kuwento pa ni Sarah.


Manood palagi ng It’s Showtime dahil araw-araw ay may malaking sorpresa sila para sa kanilang mga manonood.


 

FATHER’S Day na pala sa darating na Linggo. Timing at nakausap namin ang isa sa mga sikat na celebrity dads exclusively sa ginanap na “Kasalang Bayan” sa Strike Gymnasium sa Bacoor City Government (BGC), Molino Boulevard, Bacoor City.


Ang tinutukoy namin ay ang Kapuso actor na si Dennis Trillo. Si Dennis ang isa sa mga celebrities na bumati at naghandog ng awitin sa mga bagong kasal na taga-Bacoor sa initiative ni Mayor Strike Revilla katuwang ang kanyang misis na si Chaye.


Nausisa namin kay Dennis kung paano niya inaalagaan ang two-year-old baby girl nila ng misis niyang si Jennylyn Mercado na si Dylan Jayde.


Si Dylan ang only girl sa mga anak nina Jennylyn and Dennis. May nauna na kasing mga “kuya” si Dylan sa past relationships nina Dennis at Jennylyn.


Si Calix Andres ay anak ni Dennis kay Carlene Aguilar at si Jazz naman ay anak ni Jennylyn kay Patrick Garcia.


Sey ni Dennis sa amin, pareho silang hands-on ni Jennylyn kay Dylan.


“Oo naman, hands-on talaga kami,” proud na sabi ni Dennis.


Kailan lang daw sila kumuha ng yaya para kay Dylan. Pero nu’ng wala pang yaya ang baby girl nila ni Jennylyn, sobrang hands-on sila sa kanilang bunso.


“Pero ngayon, siyempre, ‘pag may trabaho na, sa kanila (yaya) naiiwan. But as much as possible, gusto naming ma-cherish lahat ng moments na ‘yun. At nandu’n kami palagi pa sa kanila,” pahayag ni Dennis.


Dagdag pa niya, “‘Yung pagiging hands-on na dad naman, malaki rin ‘yung epekto nu’n sa mga work habits ko. Siyempre, bilang hands-on, nandu’n ‘yung responsibility mo. Kumbaga, lahat ng mga good traits mo as hands-on dad, nadadala mo rin du’n sa trabaho.” 


Nagbibigay talaga siya ng oras at panahon para sa anak nila ni Jennylyn sa kabila ng sobrang busy niya sa kanyang career. Actually, parehong busy sina Dennis at Jennylyn sa kanilang respective careers.


Well, curious naman kaming malaman kung nagkakaroon kaya ng competition sa kanila ni Jennylyn pagdating sa kanilang career sa showbiz.


“Siguro, nangyayari lang ‘yun pagka.... Paano ko kaya sasabihin ito?” putol ni Dennis at matamang nag-isip ng susunod na sasabihin.


“Kasi siyempre, ‘pag mag-partner, nagtutulungan nga, eh. Hindi mo dapat talaga iniisip ‘yung kumpitensiya.


“Imbes na iniisip mo ‘yung kumpitensiya, kailangang magtulungan kayo kung paano n’yo ii-improve ang mga sarili,” esplika ni Dennis.


Todo-suporta raw sila sa kanilang respective careers.


“So kami, lalo na nu’ng ikinasal kami, wala kaming ginawa kundi suportahan lang 'yung isa’t isa sa mga gustong gawin, sa mga planong gawin, sa mga currently na ginagawa. So, naging ugali na namin ‘yun na talagang maging supportive sa isa’t isa,” ani Dennis.


In fact, si Jennylyn daw talaga ang nag-aayos ng mga gamit ni Dennis kapag pupunta siya sa taping. Gustung-gusto raw gawin ‘yun ni Jennylyn sa kanya kahit ‘di naman kailangan.

0 comments

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page