top of page

ICI, kung babagal-bagal sa pag-aksyon vs. Zaldy Co, iisiping pinuproteksyunan ito ng Marcos admin

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 25
  • 2 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | October 25, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


‘DI LANG PALA SALN NG GOV’T. OFFICIALS PINAKATAGO-TAGO NI EX-OMBUDSMAN MARTIRES, PATAGO RIN SIYANG NAG-AABSUWELTO SA KASO NG AKUSADO -- Hihilingin na sana ni Ombudsman Boying Remulla kay Senate President Tito Sotto na ipatupad na ang desisyon noong November 2016 ni dating Ombudsman Conchita Castro-Morales na nagtatanggal kay Sen. Joel Villanueva bilang senador ng bansa dahil sa pagkakasangkot nito sa pork barrel scam ni Janet Napoles, pero na-shock siya (Ombudsman Remulla) nang i-post ni Sen. Villanueva sa social media kamakalawa na hindi na siya puwedeng tanggalin sa pagka-senador dahil noong Sept. 2019 pa ay inabsuwelto na siya ng noo’y Ombudsman Samuel Martires.


Ang ikina-shock ni Ombudsman Remulla, ng mga mamamahayag at maging ng taumbayan ay inabsuwelto ni Martires si Sen. Villanueva nang hindi man lang ito isinapubliko, na dapat daw ay inanunsyo ito ng dating Ombudsman para kung mayroong tututol dito ay makapagsampa ng petisyon sa Supreme Court (SC).

Hay naku, hindi lang pala mga Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ng mga public officials ang pinakatago-tago noon ni Martires sa Ombudsman, kundi patago o sikreto rin pala siyang nag-aabsuwelto sa kaso ng akusado na tulad ng ginawa niyang pag-acquit kay Sen. Villanueva, pwe!


XXX


KUNG BABAGAL-BAGAL ANG AKSYON NG ICI LABAN KAY ZALDO CO, IISIPIN NG PUBLIKO NA PINUPROTEKSYUNAN NG MARCOS ADMIN ANG ‘SCAMMER’ NA DATING KONGRESISTA -- Dapat bilisan ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang pagsasampa ng kaso sa Ombudsman laban kay resigned Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co para makapaglabas na agad ng warrant of arrest at hulihin ito ng Interpol kung saang bansa man siya nagtatago upang maibalik sa Pilipinas at maikulong sa Quezon City jail.


Kapag nagpatuloy ang babagal-bagal na aksyon ng ICI laban kay Zaldy Co ay iisipin talaga ng publiko na pinuproteksyunan ng Marcos administration ang scammer na kongresistang ito, boom!


XXX


KUNG LAGING WALANG HEARING ANG ICI DAHIL MAY ABSENT NA COMMISSIONER, ASAHAN NANG AABUTIN NG SIYAM-SIYAM BAGO MAPANAGOT ANG MGA SANGKOT SA FLOOD CONTROL PROJECTS SCAM -- Sabi ni ICI spokesman Brian Hosaka na wala raw hearing ang ICI next week dahil isang linggong absent daw si ICI Commissioner Rogelio Singson.


Ang panawagan ng publiko ay bilisan ng ICI ang imbestigasyon para agad-agad mapanagot na ang lahat ng mga sangkot sa flood control projects scam, pero kung ganyan ang sistema ng ICI na kapag may isang komisyoner na a-absent ay wala munang hearing, asahan nang aabutin ng siyam-siyam bago maparusahan o mapanagot ang mga sangkot sa pang-i-scam sa kaban ng bayan, buset!


XXX


NAKIKINI-KINITA NA NG PUBLIKO NA MALAPIT NANG MAKALAYA ANG PORK BARREL QUEEN -- Inabsuwelto ng Sandiganbayan sa 15-counts ng kasong graft na may kaugnayan sa P172 million pork barrel scam sina Presidential Legal Counsel, former Sen. Juan Ponce Enrile, Gigi Reyes na dating chief of staff ni Enrile, pork barrel queen Janet Napoles at dalawang anak niyang sina Jo at James Napoles.


Sa pamamagitan ng piyansa ay matagal nang nasa laya sina Enrile, Reyes at dalawang anak ni Janet Napoles, at tanging siya (Janet Napoles) na lang ang nakakulong, at dahil sa desisyon na iyan ng Sandiganbayan na pumabor sa kanila ay nakikini-kinita na ng publiko na malapit nang makalaya ang tinaguriang pork barrel queen, pwe!


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page