top of page

ICI hearing hindi bubuksan sa publiko, kaduda-duda

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 30
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | September 30, 2025



Boses by Ryan Sison


Sa gobyernong paulit-ulit nang nasasangkot sa isyu ng katiwalian, ang bawat hakbang na tila nagtatago ng proseso ng imbestigasyon ay nagiging kaduda-duda sa mata ng taumbayan. 


Ang desisyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na isara ang kanilang pagdinig sa publiko ay hindi simpleng internal policy kundi maituturing na pagsalungat sa ibig sabihin ng transparency na matagal nang hinihingi ng mamamayan. Kapag ang isang imbestigasyon ay nakatago, natural lang na magduda ang mga tao kung may pinoprotektahan o inililihim. 


Mula nang umarangkada ang ICI hearings hinggil sa maanomalyang flood control projects, hindi pinayagan ang media at publiko na makibahagi. 


Kahit humarap na ang ilang nadadawit na mga senador at dating senador sa komisyon, nananatiling limitado ang nakikita at naririnig ng taumbayan. 


Ayon kay Executive Director Brian Hosaka, kailangan umano itong gawin upang maiwasan ang trial by publicity at mapanatili ang integridad ng komisyon. 

Idinagdag pa niya na posibleng magamit ang hearings sa pulitika kung agad na ilalabas ang testimonya bago pa ma-verify. 


Ngunit ilang mambabatas at grupo mula sa civil society ang hindi kumbinsido. 

May isang senador naman ang nagsabi na ang desisyong hindi buksan sa publiko ang proseso ay isang ill-advised move. 


Habang isang congresswoman ang nagbigay-diin na kung limitado na ang kapangyarihan ng komisyon, mas nababawasan ang tiwala ng tao kung pati transparency ay ipagkakait. Dagdag pa nito, kung ang mismong ICI ang nangangamba sa trial by publicity, baka kulang sila ng tiwala sa sarili nilang kakayahang pamahalaan ang imbestigasyon. 


Sa nakaraang mga Senate at House hearings hinggil sa parehong isyu, libu-libo ang nanood ng livestreams at nakibahagi sa diskurso online. Nakita ng taumbayan hindi lang ang testimonya kundi pati kung paano nagtatrabaho ang mga imbestigador. 

Ito ang nagbigay sigla sa mga protesta at panawagan ng hustisya matapos umalingasaw ang alegasyon ng bilyong pisong korupsiyon sa DPWH flood control projects. 


Bagama’t iginiit naman ni Hosaka na ilalabas pa rin sa publiko ang mga dokumento at ebidensya kapag ito ay napatunayan at naisumite na sa Ombudsman. 


Sa kabilang banda hindi nito natutugunan ang pangunahing hinaing ng mamamayan, ang karapatan nilang makita kung paano nabubuo ang imbestigasyon. 

Kung tutuusin, ang sinasabi ng ICI na nais nitong itaguyod ang integridad, ang pinakamabisang paraan ay buksan ang proseso sa harap ng publiko. Transparency ang pinakamakapangyarihang depensa laban sa duda ng marami, at accountability naman ang tanging paraan upang mabawi ang tiwala ng taumbayan. 


Kapag nanatiling sarado ang pintuan ng ICI, kahit gaano kaganda ang rekomendasyon nito, mananatiling may tanong sa isipan ng marami kung ito ba’y para sa bayan o sa iilan lamang.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page