Ibinoto, iba sa resibo... Eleksiyon, palpak
- BULGAR
- 14 hours ago
- 1 min read
ni Mylene Alfonso @News | May 13, 2025
File Photo: Raul Lambino - FB
Nakaranas ng aberya ang senatorial aspirant sa ilalim ng PDP-Laban na si Raul Lambino matapos bumoto sa kanyang presinto kahapon ng umaga.
Sa isang Facebook post ni Lambino, sinabi niyang bagama’t tinanggap naman umano ng machine ang kanyang balota, wala aniyang verification at scanning na lumitaw sa screen.
Blangko rin ang natanggap niyang resibong lumabas.
"Bumoto po ako kaninang 7:00 am. Tinanggap naman ng Machine yong balota pero walang scanning at verification na nag-appear sa screen, at ang lumabas na balota ay blanko," pahayag ni Lambino.
Nang ulitin sa ikatlong pagkakataon ay parehong resulta pa rin na nagpapakita ng mga pangalan ng mga kandidato na hindi niya binoto at maging ang pangalan niya ay wala.
"Inulit ng BEI Chairman ang pagprint ng resibo at may lumabas na mga ibang pangalan na hindi ko binoto pati sarili ko, asawa ko atbp. Inulit muli ang pagprint ng resibo, ganoon pa rin!" saad pa niya.
“Iba ang lumabas na mga pangalan sa resibo! Ibang mga pangalan ng kandidato na hindi ko binoto ang lumabas, at WALA iyong pangalan ko, asawa ko atbp kandidato na aking binoto!”
Sa kabila nito, positibo pa rin ang kandidato at nanawagan sa mga botante na bumoto pa rin at umasang mga tamang kandidato ang manalo ngayong 2025 midterm elections.
Dagdag pa niya, "Hindi man perpekto at depektibo ang mga makina at teknolohiya na ginagamit, dapat pa rin tayong bumoto at umasa na tamang mga kandidato ang manalo sa Halalan."
Comments