P50M patong sa ulo ni Bato, galing confi funds — Ante Kler

ni Mylene Alfonso @News | October 30, 2026

Photo: Atty. Claire Castro at Sen. Ronald Bato Dela Rosa - PCO - FB
Magmumula sa confidential funds ng law enforcement agencies ang P50 milyong pabuya sa makakapagturo sa konkretong kinaroroonan ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa.
Ayon kay Castro, ipinagpapaubaya na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa Department of the Interior and Local Government (DILG), Philippine National Police (PNP), at iba pa ang paghuli kay Dela Rosa.
Tama lamang aniya ang paggasta ng confidential funds o intelligence funds ng law enforcement agencies kung mayroon naman daw itong magiging resulta.
“So kung meron pong ibibigay na P50 million na bounty, kung sinuman ang makakapagbigay ng konkretong impormasyon sa kinaroroonan ni Sen. Bato Dela Rosa, iyan po naman ay parte ng kanilang intelligence funds, confidential funds,” diin ng opisyal.
“Diyan po dapat ginagamit ang nasabing confidential funds, hindi kung saan-saan. Dapat merong resulta. Hindi rin naman din po ito gagastusin kung wala rin pong resulta dahil makukuwestiyon po sila diyan.”
Dagdag ni Castro, magpapatuloy ang pagtugis ng mga awtoridad kay Dela Rosa saan man siya magtungo.
“Hindi naman po ito gagastusin kung wala naman din ang resulta dahil mako-question po sila diyan. So, ang sinasabi ni Senator Lacson, kung alam naman ang lugar—kung kayo po ba si Senator Bato at nasabing alam na ninyo iyong lugar, hindi po ba kayo lilipat para hindi kayo mahuli? So, patuloy po ang manhunt dito, patuloy po ang pagtugis kay Senator Bato dela Rosa. Saan man siya pumunta, kailangan po na mahuli iyong dapat na mahuli,” hirit ni Castro.
Matatandaang binigyan lang ni PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., noong Oktubre 23 ng isang linggong palugit para sumuko sa mga awtoridad ang senador.





Comments