top of page

Ibigay ang proteksyon sa mga biyaherong Pinoy

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 9 hours ago
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | January 18, 2026



Boses by Ryan Sison


Ibigay ang nararapat na proteksyon sa mga biyaherong Pilipino na naapektuhan hindi dahil sa kanilang pagkukulang, kundi dahil sa magulo at matagal na proseso sa paliparan.


Ito ang diwa ng panukalang batas ng isang senador na layong iparemburse ang gastos sa mga pasaherong na-offload o naantala ang pag-alis dahil sa hindi makatarungan at sobrang haba ng pre-departure procedures ng Bureau of Immigration (BI).


Sa ilalim ng Senate Bill No. 1657, o ang Passenger Protection and Reimbursement for Deferred Departures Act, magkakaroon ng karapatan ang mga Pilipinong pasahero na humingi ng reimbursement kapag sila ay pinigilang makaalis ng bansa nang walang court order.


Ayon sa isang senador, dagsa ang reklamo mula sa mga na-offload na pasahero dahil sa pabago-bagong assessment standards, pagtangging suriin ang dokumento, at kakulangan ng malinaw na paliwanag mula sa ilang immigration officers. Sa maraming kaso, ang mahahabang secondary inspection na bahagi ng anti-trafficking efforts ay nauuwi sa pagka-late sa flight kahit walang legal na utos na pigilan ang pasahero. Resulta nito ang dagdag-gastos sa rebooking, hotel, at iba pang bayarin—na pasan ng pasahero kahit wala silang kasalanan.


Mahalagang linawin na kinikilala ng panukala ang kritikal na papel ng BI sa paglaban sa human trafficking at illegal recruitment. May kapangyarihan ang mga immigration officer na magsagawa ng secondary inspection at magtanong hinggil sa edad, edukasyon, at kakayahang pinansyal ng biyahero. Ngunit giit ng senador, ang kapangyarihang ito ay hindi dapat mauwi sa pabigat nang walang malinaw na batayan.


Ipinunto rin niya na bagama’t may mga airline tulad ng Philippine Airlines at Cebu Pacific na nag-aalok ng refund o rebooking bilang goodwill, wala itong malinaw na mandato mula sa Civil Aeronautics Board at nakadepende lamang sa polisiya ng airline.


Sa unang kalahati ng 2024, umabot na sa 16,617 ang na-offload na pasahero, habang 36,316 naman noong 2023—mga bilang na hindi maaaring ipagwalang-bahala.

Hindi saklaw ng reimbursement ang mga pasaherong kulang o peke ang dokumento, o ang may indikasyon na biktima o sangkot sa trafficking, kaya malinaw ang hangganan ng pananagutan.


Ang panukalang batas na ito ay paalala na ang serbisyo publiko ay dapat may balanse ng seguridad at malasakit. Kung may kapangyarihan ang estado na pumigil, dapat may pananagutan din itong magbayad kapag mali ang naging epekto. Ang koneksyon ng gobyerno sa taumbayan ay hindi lamang nakabase sa batas, kundi sa kung paano nito inaayos ang abala dulot ng sariling sistema.




Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page