Iba’t ibang Unibersidad sa Pilipinas, gagawaran ng KWF!
- BULGAR
- Nov 10, 2021
- 2 min read
ni Fely Ng - @Bulgarific | November 10, 2021

Hello, Bulgarians! Nakatutuwang kahit nasa panahon tayo ng pandemya, marami pa ring makabuluhang balita ang ating nababasa. Katulad ng ginawaran ng Komisyon sa Wikang Filipino ng Dangal ng Wika at Kultura 2021 ang Sentro ng Wika at Kultura ng Bukidnon State University dahil sa mataas na antas ng kahusayan at episyenteng pagsasagawa ng mga proyekto ng Komisyon sa Wikang Filipino at sa hindi mapasusubaliang pangunguna at pagtataguyod sa mga gawaing pangwika at pangkultura, gayundin sa buong suporta ng pamunuan ng unibersidad at ng komunidad na kinabibilangan nito. Naisakatuparan ang mga proyekto tungo sa ibayong pag-unlad at pagsulong ng wikang Filipino sa mithiing pangwikang naaayon sa gawaing pang-unibersidad at sa mandato ng KWF. Ang SWK sa unibersidad na ito ay pinamumunuan ni Dr. Rodello D. Pepito at sinusuportahan ng pangulo ng unibersidad na si Dr. Oscar B. Cabañelez.
Ginawaran din ng KWF ng Selyo ng Kahusayang sa Wika at Kultura 2021 ang Sentro ng Wika at Kultura ng Sorsogon State College at Sentro ng Wika at Kultura ng Western Mindanao State University dahil sa mahusay at episyenteng pagsasagawa ng mga proyekto ng Komisyon sa Wikang Filipino at sa hindi mapasusubaliang pangunguna at taguyod sa mga gawaing pangwika at pangkultura tungo sa ibayong pag-unlad at pagsulong ng wikang Filipino.
Ang SWK Sorsogon State College ay pinamumunuan ni Dr. Felisa D. Marbella sa suporta ng pangulo ng unibersidad na si Dr. Helen R. Lara at SWK Western Mindanao State University na pinangangasiwaan ni Dr. Aubrey F. Reyes sa suporta ng pangulo ng unibersidad na si Dr. Ma. Carla A. Ochotorena.
Iginawad ang parangal kahapon, 9 Nobyembre 2021 sa KWF Araw ng Parangal na idinaos sa Legaspi Ballroom, Makati Diamond, Residences, Lungsod Makati.
Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.





Comments