top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Iba pang paraan upang mapatunayang kasal ang mga magulang

Writer: BULGAR
BULGAR
Jul 2, 2021
2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | July 02, 2021



Dear Chief Acosta,

Hanggang ngayon, hindi ako kinikilala ng aking mga kamag-anak bilang lehitimong anak ng aking mga magulang. Ang marriage contract ng aking mga magulang at ang mga pampublikong dokumento ng kanilang kasal ay binaha noong bumagyo kaya’t hindi ko mapatunayan ang kanilang pag-iisang dibdib. Mayroon pa bang paraan upang mapatunayan ang kasal ng aking mga magulang? – Buboy


Dear Buboy,

Ang inyong katanungan ay tinalakay na ng ating Kagalang-galang na Korte Suprema sa kasong Arturio Trinidad vs. Court of Appeals, et al. (G.R. No. 118904, April 20, 1998), na isinulat ni Honorable former Chief Justice Artemio V. Panganiban, Jr., kung saan binanggit ang mga sumusunod na katibayan na magpapatunay sa nangyaring kasal:


“To prove that fact of marriage, the following would constitute competent evidence: the testimony of witness to the matrimony, the couples public and open cohabitation as husband and wife after the alleged wedlock, the birth and the baptismal certificates of children born during such union, and the mention of such nuptial in subsequent documents.


In the case at bar, petitioner secured certification from the Office of the Civil Registrar of Aklan that all records of births, deaths and marriages were either lost, burned or destroyed during the Japanese occupation of said municipality. This fact, however, is not fatal to petitioners case. Although the marriage contract is considered the primary evidence of the marital union, petitioners’ failure to present it is not proof that no marriage took place, as other forms of relevant evidence may take its place.” (Binigyang diin)


Ayon sa nabanggit na desisyon, ang marriage contract ang pangunahing ebidensiya ng kasal at ang hindi pagpresenta nito ay hindi katibayan na walang naganap na kasal dahil maaaring mapalitan ito ng iba pang ebidensiya. Sa sitwasyong ito, maaaring mapatunayan ang naganap na kasal ng inyong mga magulang gamit ang mga sumusunod na katibayan: (1) testimonya ng mga testigo sa kasal, (2) pampubliko at lantad na kohabitasyon ng inyong mga magulang bilang mag-asawa pagkatapos ng kasal, (3) inyong mga sertipiko ng kapanganakan at binyag na nagpapakita na kayo ay ipinanganak pagkatapos ng kasal, at (4) mga dokumento kung saan nabanggit ang inyong mga magulang bilang mag-asawa.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page