IATF, dapat mag-isip ng bagong estratehiya para mapigilan ang muling paglobo ng kaso ng COVID-19
- BULGAR

- Mar 10, 2021
- 3 min read
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | March 10, 2021
Alam natin kung gaano ngayon kaabala ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Disease (IATF-EID) lalo pa at sunud-sunod na ang pagdating ng bakuna sa ating bansa.
Mahigpit din naman ang itinuro sa ating depensa ng IATF-EID kung paano dapat labanan ang COVID-19 ngunit kumbaga sa isang boksingero ay tila nasingitan tayo ng lucky punch at bumagsak ang ating depensa.
Nasa pakiramdam tayo ngayon ng pareho nating naramdaman noong nakaraang taon na puro pangamba dahil sa muling pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 na halos kahalintulad ng ating karanasan sa kasagsagan ng pandemya.
Muli ay may mga pagamutan na namang dinadagsa ng mga pasyente ng COVID-19 dahil ilang araw na namang hindi bumababa sa 3,000 ang nahahawa kada araw at patuloy pang nadaragdagan.
Maging ang OCTA Research Team ng University of the Philippines (UP) ay nagbigay-babala na posible umanong umabot sa 6,000 kada araw ang bilang ng kaso ng COVID-19 bago matapos ang Marso.
Tulad na lamang sa Philippine General Hospital (PGH) na pansamantalang ipinagbabawal na muna ang pagtanggap ng mga walk-in outpatient upang mabigyang-prayoridad ang pagdagsa ng mga nahawa sa COVID-19.
Mismong ang Department of Health (DOH) ay naalarma sa muling pagdagsa ng mga nahawa sa COVID-19 at ang isa sa mga tinitingnan ay ang mabilis na pagkalat ng bagong variant ng naturang virus.
Nakabibigla ang muling paglobo ng bilang ng kaso ng COVID-19 lalo pa at sa katapusan pa ng Mayo ang target ng IATF-EID na matapos ang pagbabakuna sa lahat ng health workers sa buong bansa.
Sa kasalukuyan ay maraming health workers partikular sa PGH ang nasa quarantine matapos na magpositibo sa COVID-19 habang nasa gitna tayo nang pagbibigay ng bakuna sa kanilang hanay.
Tinitingnan din sa kasalukuyan na ang pagdating ng bakuna sa bansa ay posibleng nagbigay ng malaking kumpiyansa sa marami nating kababayan kaya medyo nagluwag na sa pagsunod sa ipinatutupad na minimum health protocol.
Tila marami ang umasang hindi na sila mahahawa dahil nagsisimula na ang vaccine rollout na kung hindi mababago ang pananaw na ito ay inaasahang mas lalala pa ang reproduction rate lalo pa at maya’t maya ang nagaganap na mutation ng naturang virus.
Pinangangambahan din sa pagdagsa ng mga pasyente ay ang muling makaramdam ng pagod ng ating mga health workers at muling humingi ng ilang araw na break at panandaliang wala munang aatende sa mga mahahawa nating kababayan.
Kaya nga mismong ang pamunuan ng Department of Interior and Local Government (DILG) ay naobligang maglabas ng kautusan sa mga lokal na pamahalaan na hulihin at agarang pagmultahin ang sinumang lalabag sa pinaiiral na health protocol.
Nitong mga nakaraang araw kasi ay kapansin-pansing napakarami na naman ang hindi nagsusuot ng facemask, face shield, hindi sumusunod sa physical distancing at dumami na ang mga batang nagtatakbuhan sa lansangan.
Kumbaga, tumapang ang marami sa ating mga kababayan at hindi na alintana na posible silang bawian ng buhay anumang oras na sila ay mahawa at posibleng mas tumapang pa sakaling maturukan na ng bakuna laban sa COVID-19.
Dahil sa mga ganitong pangyayari na hindi lamang ang virus ang nagbabago dahil maging ang ilan sa ating mga kababayan ay binabago rin ng sitwasyon ay makabubuting tutukan ito ng IATF-EID.
Makabubuting mag-isip ng bagong estratehiya ang IATF-EID na aakma sa kasalukuyang sitwasyon upang maagapan ang muling pagdaluyong ng mga pasyente sa mga pagamutan at higit sa lahat ay mas palawakin pa ang agarang rollout ng vaccine sa lahat ng ating kababayan sa buong bansa.
Madaling magsawa ang ating mga kababayan ngunit madali ring sumunod kung may bagong estratehiya na ipatutupad tulad nang paulit-ulit na motibasyon at huwag tayong umasa na dahil alam na nila ay bahala na sila sa kanilang buhay.
Tulad ng boksingero na palaging nakataas ang depensa pero kapag napagod ay nakakalimot kaya pinaaalalahanan na muling itaas kada round para hindi tamaan ng suntok.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments