top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Huwag matakot sa bakuna, matakot sa COVID-19

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Mar 10, 2021
  • 2 min read

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | March 10, 2021



Tapos na ang paghihintay. Dumating na sa bansa ang mga bakunang magpapabilis sa ating pagbabalik tungo sa normal na pamumuhay.


Subalit, hindi ibig sabihin na isasawalang bahala na natin ang mga itinakdang health and safety protocol, tulad ng pagsuot ng mask at face shield, pag-obserba ng social distancing, madalas na paghugas ng mga kamay, pananatili sa loob ng bahay kung hindi naman kinakailangan, at ang patuloy na pag-iingat para maproteksiyunan ang ating kalusugan.


Magtiwala tayo sa bakuna pero huwag tayo maging kampante dahil hangga’t hindi pa natin nararating ang herd immunity, nandito pa rin ang banta ng COVID-19. Huwag tayong matakot sa bakuna. Matakot tayo sa COVID-19.


Noong Linggo, February 28, dumating na ang 600,000 doses ng Sinovac na donasyon mula sa China. Kinabukasan, agad pinabakunahan ang mga frontliners. Noong March 4 naman dumating ang 487, 200 doses ng AstraZeneca vaccines mula sa COVAX Facility. Nadagdagan pa ito ng 38,400 doses noong March 7. At ayon kay Pangulong Duterte, magbibigay ulit ang China ng 400,000 karagdagang doses bilang donasyon.


Ito ang bunga ng patuloy na pagtatrabaho, negosasyon at pakikipag-ugnayan ng mga opisyal sa iba’t ibang bansa at organisasyon para masigurong hindi mahuhuli sa bakuna ang mga Pilipino.


Sa sunod-sunod na pagdating ng mga bakuna, patuloy din tayong magbabakuna sa lahat ng mga frontliners sa buong bansa. Nararapat lamang na sila’y unahin dahil sila ang lumalaban at nagsasakripisyo para isalba tayo sa COVID-19. Pupuwede rin silang pumili kung ano ang gusto nilang bakuna depende sa supply na mayroon. At siyempre, ang mahihirap at vulnerable ay prayoridad din.


Magtulungan tayo para itaas ang kumpiyansa ng mga Pilipino sa bakuna at tanggalin ang kanilang mga agam-agam dito. Kaunting tiis nalang dahil ginagawa ng gobyerno ang lahat para patuloy na ang pagbabakuna sa mga Pilipino. Ang ating maayos na vaccine roll-out ang tanging susi at solusyon upang tuluyang malampasan ang pandemyang ating hinaharap.


Ituloy natin ang bayanihan at pakikipagtulungan! Ang inyong kooperasyon sa National COVID-19 Vaccine Roadmap at patuloy na pag-iingat at pagmamalasakit sa kapwa ay makapagliligtas ng buhay ng mga Pilipino!


Samantala, natutuwa tayo na nitong Lunes, inaprubahan sa Senado ang panukalang Bureau of Fire Protection Modernization Bill. Bilang principal author and co-sponsor, nagpapasalamat din tayo sa kapwa Senador na naging principal sponsor bilang Chair of the Senate Committee on Public Order, Bato dela Rosa. Natataon ang pagpasa nito na kasalukuyan nating ginugunita ang Fire Prevention Month.


Bukod dito, inaprubahan din sa parehong araw ang isa pang panukalang sinuportahan natin na nagtutulak na kilalanin ang Davao City bilang “Cacao Capital of the Philippines.” Ang pagkilalang ito ay magsisilbing inspirasyon sa mga cacao farmers sa lungsod na lalo pang pagbutihin ang kanilang mga gawain.


Ang kooperasyon ng bawat isa ay importante para malagpasan natin ang mga pagsubok na ito. Magtulungan tayo.

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page