Hustisya sa mga nawawalang sabungero na ‘pinatay, ibinaon sa Taal Lake’
- BULGAR
- 1 day ago
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | June 20, 2025

Sa wakas, nabasag na ang katahimikan.
Matapos ang halos apat na taon ng pananabik, pag-iyak, at paghihintay ng mga pamilya ng 34 na nawawalang mga sabungero, isang dating guwardiya sa Manila Arena na kinilala bilang “Totoy” ang lumantad at nagsiwalat ng nakakakilabot na detalye, na patay na umano ang lahat ng mga sabungero at ang kanilang mga bangkay ay nakabaon daw sa paligid ng Taal Lake.
Hindi ito simpleng kuwento ng pagkawala, isa itong klase ng pamamaslang na tila isinagawa nang may kasanayan, patago at walang konsensya.
Ayon kay “Totoy”, pinatay daw ang mga sabungero sa pamamagitan ng pagbigti gamit ang alambre. Habang ikinukuwento ang unti-unting pagkamatay ng mga biktima, anito, hindi rin umano sila basta itinapon — maingat na itinali, isinakay sa van, at ipinaubaya sa isang grupong hindi pa niya pinapangalanan. Lumilitaw din na hindi lang sabungero ang mga biktima, sinabi ni “Totoy” na may mga drug lord din umano ang nakalibing sa parehong lugar.
Sa kanyang pahayag, umabot daw sa halos 100 ang pinaslang, malayo sa opisyal na bilang na 34. Sinabi rin niya na may mga video bilang patunay, at handa siyang isiwalat ang “mastermind” umano sa tamang panahon.
Ang rebelasyong ito ay sinasabing malaking hakbang tungo sa hustisya. Paliwanag naman ng Department of Justice (DOJ), titingnan nila kung tugma ang salaysay nito sa iba pang testimonya. Bukas din ang National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP) na bigyan siya ng proteksyon.
Ang trahedyang nangyari sa mga sabungero ay isang patunay ng mas malawak na suliranin hinggil sa pagkakaroon ng hustisya sa ating bansa, ang kultura ng pananahimik sa harap ng karahasan, at ang kabiguang agad na tugunan ang mga kasong tila nalilimutan.
Sa ilang taong pagkawala ng mga sabungero, marami ang nag-aakalang wala nang pagkakataong malaman pa ang totoong nangyari sa kanila, na kung kailan may itinuturing na testigo ay tila hirap pa ring pakinggan ng kinauukulan.
Ang masaklap sa kasong ito, hindi lang mga bangkay ang nawawala kundi ang tiwala ng publiko sa sistemang pangkatarungan.
Ang usapin ay hindi na lamang tungkol sa sabong o pandaraya sa sugal. Ito ay mabigat na isyu na kailangang mabigyan ng sapat na atensyon dahil mga buhay ang ‘pinaglaruan’, pamilya na pinagkaitan ng hustisya, at isang sistemang dapat gisingin sa bangungot ng pananahimik o kawalan ng katarungan.
Sa tagal ng itinakbo ng naturang kaso, panahon nang tapusin at papanagutin ang mga nasa likod nito.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments