Hustisya sa brutal na pagpatay ng pulis sa mag-ina sa Paniqui, Tarlac, sisiguruhin!
- BULGAR

- Dec 23, 2020
- 3 min read
ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | December 23, 2020
Marami sa ating mga kababayan ang nakararanas ng iba’t ibang paghihirap na dulot ng COVID-19 at iba pang krisis tulad ng sunog o bagyo. Kaya naman, sinisikap nating paigtingin pa ang bayanihan efforts upang matulungan ang mga Pilipino na muling makabangon at maproteksiyunan ang kanilang buhay at kapakanan sa pagsubok na ating hinaharap.
Noong Biyernes, personal tayong bumisita at nagbigay-tulong sa mga indigent nating kababayan sa Dasmariñas City, Cavite, at sa mga nasunugan sa Paco, Manila, habang naghatid din ang ating opisina ng tulong sa mga komunidad sa Balayan, Batangas.
Patuloy ang pagbibigay ng ayuda sa mga tinamaan ng Bagyong Ulysses sa iba’t ibang parte ng bansa. Kasama na ang mga taga-Gattaran, Calamaniugan at Allacapan, Cagayan; at San Luis, Aurora.
Noong Sabado, nagbigay din tayo ng dagdag-tulong para sa mga lolo at lolang nakatira sa home for the aged sa Davao City.
Noong Lunes, namahagi tayo ng tulong sa mga kababayan nating hirap sa trabaho at kabuhayan sa Polomolok, South Cotabato. Gayundin, para sa mga kasapi ng Barangay Peace Action Teams sa Makilala sa North Cotabato.
Nitong Martes, tumulong din tayo sa iba’t ibang grupo sa Pandi, Bulacan, tulad ng mga senior citizens, 4Ps beneficiaries, relocatees, at kababaihan. Bumisita tayo sa bayan ng Carmen sa Davao del Norte at sa Pantukan, Davao de Oro, kung saan nagbigay tayo ng ayuda sa mga vendors and tricycle drivers.
Sa ating pag-iikot, namamahagi tayo ng food packs, vitamins, masks at face shields sa mga komunidad. Namahagi rin tayo ng iilang tablets sa mga estudyante at bisikleta naman sa mga kailangang maglakbay papuntang trabaho. Iba naman ang naipamahaging ayuda mula sa mga ahensiya ng gobyerno, tulad ng financial assistance, livelihood, skills training, at pabahay — depende sa pangangailangan ng komunidad.
Bago natin binuksan ang pang-96 na Malasakit Center sa bansa doon sa Veterans Memorial Medical Center sa Quezon City noong Biyernes ng nakaraang linggo, nakausap natin si Malik S. Darimbang, isang OFW mula sa Saudi Arabia. Dahil sa kanyang pagkasangkot sa aksidente na nagresulta sa pagkamatay ng Pakistani national, anim na taon din siyang nakipaglaban sa korte sa Saudi Arabia para makauwi sa bansa.
Ilang buwan nang nakaraan noong lumapit sa pamilya ni Malik upang humingi ng tulong. Hindi natin sila binigo. Naging instrumento tayo upang maisaayos ang koordinasyon sa pagtugon sa pangangailangan ni Malik. At nito lamang December 13, nakabalik na siya sa Pilipinas.
Masaya tayong makakapiling na niya ang kanyang pamilya dahil sa suporta ng iba’t ibang ahensiya at ng mga pribadong indibidwal na kusang tumulong. Patunay ang paglaya ni Malik sa kahalagahan ng pagkakaroon ng whole-of-nation approach sa pagsusulong sa karapatan at kapakanan ng mga kababayan abroad.
Pero sana, magkaroon din tayo ng mas maayos na mekanismo para dinggin at rumesponde sa iba pang mga Pilipino na may hinaharap na problema abroad. Kaya naman masidhi kong itinutulak sa Senado ang pagpasa ng Senate Bill No. 1949 na bubuo ng Department of Overseas Filipinos o DOFil.
Panahon na para isaayos at ipagsama-sama ang lahat ng mga ahensiya ng gobyerno na humahawak sa concerns ng overseas Filipinos para maging mas mabilis ang pagtugon natin sa kanilang pangangailangan.
Mariin nating kinokondena ang brutal na pagpatay ng pulis sa mag-ina sa Paniqui, Tarlac. Nakikiramay tayo sa mga naulilang pamilya. Tutulong tayo sa anumang kailangan, at sisiguraduhin nating mabibigyan ng hustisya ang walang katuturang krimeng ito.
Ngayong Pasko, pahalagahan lalo ang buhay at kapakanan ng bawat Pilipino. Nakalulungkot na sa kabila ng mga pagbabagong ipinaglalaban natin, mayroon pa ring mga mapang-abusong nang-aapi sa mga ordinaryo nating mga kababayan.
Tungkulin nating lahat na proteksiyunan ang buhay ng bawat Pilipino!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.





Comments