Hotel sa Baguio, patunay daw ng Yap’s “kongresista wealth”?
- BULGAR

- Dec 22, 2025
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | December 22, 2025

PAGSAPIT NG JANUARY 2026 KUNG MAY MALASAKIT ANG LIDERATO NG SENADO AT KAMARA, DAPAT MAGSAGAWA SILA ULI NG LIVE INVESTIGATIONN SA MGA SANGKOT SA FLOOD CONTROL SCANDAL – Mula nang magsagawa ng closed-door investigation ang Independent Commission for Infrastructure (ICI), hindi na malaman ng taumbayan kung sino ang mga totoong sangkot at hindi sa flood control scandal. Sa huli na lang nalalaman kung sino ang mga sangkot kapag nagrerekomenda na ang komisyon kung sino ang dapat kasuhan ng Ombudsman.
Kaya, kung tunay na may malasakit sa mamamayan ang liderato ng Senado at ng Kamara, dapat sa susunod na taon, o pagsapit ng Enero 2026, ay magsagawa muli sila ng naka-live na imbestigasyon. Ito ay para mahubaran ng maskara at makilala ng taumbayan ang mga pulitiko at opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na sangkot sa flood control scandal. Boom!
XXX
CONG. ERIC YAP, UBOD NA RAW NG YAMAN MULA NANG MAGING KONGRESISTA, KAYANG-KAYA NA RAW BUMILI NG HOTEL – Sina yumaong former Department of Public Works and Highways (DPWH) Usec. Ma. Catalina Cabral at Benguet Rep., dating ACT-CIS Partylist Rep. Eric Yap ay parehong nasasangkot sa flood control projects scam.
At kung totoo ang inihayag ni Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla na ang hotel sa Baguio City na tinuluyan ni Cabral ay dati raw nitong pag-aari at ibinenta kay Cong. Eric Yap, ay talagang ubod na pala siya ng yaman mula nang maging kongresista. Kayang-kaya na pala niyang bumili ng isang hotel. Boom!
XXX
SINUWERTE MAN SI CONG. ERIC YAP SA PAGDIKIT SA TULFO BROTHERS AT SA NOO'Y SPEAKER CAYETANO, MAMALASIN NAMAN SIYA SA MARCOS ADMIN DAHIL MAAARI SIYANG MAKULONG SA CITY JAIL – Sinuwerte lang si Eric Yap nang madikit siya sa Tulfo brothers, at nang maging ganap na ACT-CIS Partylist congressman. Mas lalo pa siyang pinalad nang madikit siya sa noo’y Speaker Alan Cayetano, kasi nang yumao si Benguet Rep. Nestor Fongwan Sr. noong Disyembre 2019, ay pagsapit ng Enero 2020 ay siya ang itinalagang caretaker congressman ng lalawigan. Pagsapit ng Marso 2020, lalo namang nadagdagan ang suwerte niya nang maitalaga siyang chairman ng House Committee on Appropriations.
Gayunman, kung sinuwerte man noon si Cong. Eric Yap sa pagdikit sa Tulfo brothers at noo’y Speaker Alan Cayetano, tila mamalasin siya sa panahon ng Marcos administration. Kabilang siya sa mga maaaring makulong sa city jail sa kasong no bail dahil sa pagkakasangkot niya sa flood control scam. Period!
XXX
PINAGNAKAWAN NA NGA NILA ANG TAUMBAYAN, NAGAWA PA NI SARAH DISCAYA MAG-DIRTY FINGER SA PUBLIKO – Matapos maisyuhan ng warrant of arrest at dalhin ng mga otoridad sa korte, tinanong ng mga mamamahayag ang kontratistang si Sarah Discaya kung may plano itong isoli sa kaban ng bayan ang ninakaw nilang pera ng taumbayan. Ngunit ang itinugon niya ay simpleng pag-dirty finger.
Ganyan kawalang-hiya si Sarah Discaya: nagawa na nilang pagnakawan ang taumbayan, at ngayon ay nagagawa pa niyang mag-dirty finger. Pwe!







Comments