Hirit sa mga kapamilya ni Mayor Mark… “MAY RASON SI GOD KUNG BAKIT KAYO DINALA SA BUHAY KO” — KATHRYN

ni Beth Gelena @Bulgary | November 25, 2026

Photo: KATHRYN_FB Circulated
Hindi man diretsahang inamin ni Kathryn Bernardo na sila na ni Lucena City Mayor Mark Alcala, tila mas makahulugan pa sa isang simpleng pag-amin ang naging pahayag niya sa harap ng pamilya ng alkalde.
Sa 18th birthday celebration ng pinsan ni Mark na si Francine Benitez, personal na nagpasalamat si Kathryn sa mainit na pagtanggap sa kanya ng pamilya Alcala.
“Matagal na tayong magkakilala and I just have a soft spot to you since nagkakilala tayo.
“Thank you also for welcoming us sa pamilya n’yo. Masaya pong maging part ng pamilya na ‘to, ang mga prayer warriors ko... And I just want to enjoy this moment,” sey ng aktres sa kanyang birthday message kay Francine.
Sinundan pa niya ito ng mas makahulugang pahayag “Siguro, talagang may reason naman si God kung bakit kayo dinala sa buhay ko.”
Dito lalong kinilig ang mga nakasubaybay sa kanilang dalawa.
Para sa marami, hindi na basta ordinaryong pakikisama ang ipinakita ni Kathryn kundi indikasyon na malalim na ang ugnayan niya sa pamilya ng alkalde.
Hindi rin nakaligtas sa mata ng mga netizens ang matamis na ngiti ni Mayor Mark habang nagsasalita si Kathryn.
Sa isa pang bahagi ng video, nagpalakpakan at nagsigawan ang mga bisita matapos ang pahayag ng aktres.
Kaya naman, ang tanong ng mga netizens ay kung ito na ba ang tinatawag na soft launch o kumpirmasyon ng kanilang relasyon.
May nagkomento, “So, sila pa pala?” habang may isa namang nagsabing “Masaya ako para sa kanila.”
May mga pumuri rin sa pagiging malapit ni Kathryn sa pamilya ng alkalde at umaasang magtatagal ang kanilang relasyon.
Pero hindi lahat ay natuwa. May mga nagtatanong kung bakit wala pa ring diretsahang pag-amin o opisyal na pagpapakilala sa kanilang relasyon,
samantalang may mga pagkakataon nang nakikita silang magkasama.
Sa kabila nito, ipinagtanggol naman ng ilang netizens ang aktres at sinabing nasa kanya ang desisyon kung sino ang gusto niyang makasama sa buhay.
Sa ngayon, wala pang direktang kumpirmasyon mula kina Kathryn at Mark na magkasintahan sila.
Todo-hinayang sa hiwalayan…
PADIR NI PAUL, PABOR SA BALIKAN NILA NI MIKEE
Hindi lang pala ang Kapuso actor na si Paul Salas ang nalungkot sa hiwalayan nila ni Mikee Quintos noong 2025, kundi pati ang kanyang amang si Jim Salas, na aminadong naging malapit na rin ang loob sa dating girlfriend ng anak.
Sa guesting ni Jim sa Fast Talk with Boy Abunda (FTWBA), inamin ng dating UMD dancer na nanghinayang siya nang maghiwalay sina Paul at Mikee matapos ang apat na taong relasyon.
Nagustuhan daw niya talaga ang aktres dahil sa kabaitan nito. Hindi lamang si Mikee ang naging malapit sa kanyang puso kundi pati ang pamilya nito, kaya hindi naging madali para sa kanya ang kanilang paghihiwalay.
Pero mukhang hindi tuluyang isinasara ni Jim ang posibilidad na magkabalikan ang anak at si Mikee. Ibinahagi niyang pinayuhan niya si Paul na bata pa ito at hindi imposibleng magtagpo uli ang landas nila ng aktres kung talagang nakatadhana silang dalawa.
Payo pa niya sa anak, ipagdasal na lamang ang kanilang sitwasyon.
Samantala, ikinatuwa rin ni Jim na kahit hiwalay na sina Paul at Mikee ay nananatili silang magkaibigan. Hindi raw nag-iiwasan ang dalawa at patuloy pa rin ang paggalang nila sa kanilang naging relasyon.





Comments