top of page
LET’S SEE - MIKA AT WILL, BUKING NA LUMIPAD PA-HK_Reddit.png

Hirit ng mga eksperto...

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 13, 2020
  • 2 min read

Walang naitulong ang “white sand” sa planong ayusin ang mga problema ng Manila Bay

ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | October 13, 2020



Imbes na maglagay nang maglagay ng “dolomite” sa kakarampot na bahagi ng Manila Bay, dapat ginastusan na lang ang rehabilitasyon ng mga bakawan o mangroves.


Ito ang pahayag ng UP Institute of Biology na nais tumulong sa rehabilitasyon ng Manila Bay, pero sa pamamagitan ng agham at hindi sa pagpapaganda lamang. Anila, ang paglatag ng dolomite ay walang naitulong sa planong ayusin ang mga problema ng Manila Bay.


Dagdag pa nito, hindi rin umano totoong walang pangmatagalang masamang epekto ang paglatag ng dolomite sa kalikasan, kung saan pati ang mga senador ay binabatikos ang “dolomite beach” ng Department of Environment and Natural Resources (DENR). Hindi umano bahagi ng 2008 writ of mandamus ng Korte Suprema ang pagpapaganda lamang ng lugar.


Siguradong hindi makikinig ang DENR sa anumang grupo o tao na kokontra o babatikos sa nasabing “dolomite beach” sapagkat ang mahalaga sa kanila ay aprubado ni Pangulong Rodrigo Duterte ang proyekto. Aabot sa P389-M ang halaga ng proyekto, kung saan dinurog na dolomite mula Cebu ang linalatag sa Manila Bay.


Pero ang huling balita noong nakaraang buwan ay sinuspinde ni DENR Sec. Roy Cimatu ang dalawang kumpanyang nagmimina ng dolomite dahil sa umano’y peligro ng kanilang operasyon sa kalikasan partikular sa mga bahura. Anila’y iimbestigahan muna ang mga alegasyon. Naunang naglabas din si Cebu Gov. Gwendolyn Garcia ng utos na patigilin ang operasyon ng dalawang kumpanya dahil hindi sila awtorisado.


Samantala, sa kasalukuyang nagaganap na gulo sa liderato ng Mababang Kapulungan, ang pagpasa ng budget para sa darating na taon ang tila naaantala dahil hindi pa tapos ang mga deliberasyon.


Kasama sa budget ang malaking pondo kontra COVID-19 at lahat ng may kaugnayan dito. Kaya naman, minamadali na ni Pangulong Duterte ang Kamara para ipasa na ito, dahil kung hindi ay siya na ang kikilos.


Mahirap intindihin ang Palasyo na kailangan nang ipasa ang bagong budget para magamit ang nakalaang budget panlaban sa pandemya, kung may ginastos na milyun-milyon para sa pagpapaganda lamang ng Manila Bay. Maganda nga ang malalakaran ng mga tao, pero ano naman ang amoy ng Manila Bay? Kung puti ang buhangin d’yan, handa ba tayong lumangoy? Mahirap talagang intindihin ang prayoridad, baka sayang lang ang ginawa sa Manila Bay!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page