Hinding-hindi raw aatras… PACQUIAO, UMAMING NAUUBOS NA ANG DATUNG SA PAGTAKBONG PANGULO
ni Janiz Navida @Showbiz Special | March 19, 2022

Halos dalawang buwan pa bago ang Halalan 2022 pero ayan na, ramdam na ng senador at presidentiable na si Manny Pacquiao ang pagnipis ng kanyang bulsa at unti-unting pagkasaid ng kaban ng kanyang yaman dahil sa kampanya.
Nagpakatotoo na nga raw si Sen. Manny sa isang panayam at inaming paubos na ang budget niya sa kampanya bilang siya ang standard-bearer ng PROMDI sa pagka-pangulo.
Kung matatandaan, una nang napabalita noon na nagbebenta na diumano ng mansiyon niya sa Forbes Park si Pacquiao, at kamakailan nga, pati si Jinkee ay nagbenta na rin ng kanyang mga luxury bags at shoes.
Pero nu'ng una ay idinenay pa ng mag-asawa na paubos na ang yaman nila, kahit mismong ang nanay na ni Sen. Manny na si Mommy Dionisia Pacquiao ang nagpaalala na baka masaid lang ang kaban ng kayamanan ng kanyang boksingerong anak dahil sa pagtakbo nitong pangulo.
Ang siste, gusto raw kasing makatulong ni Sen. Pacquiao sa mga kababayan nating mahihirap kaya 'di naman kaila sa lahat na todo-pamudmod ito ng datung kapag naglilibot sila.
Kaya lang, ayaw nga raw tumanggap ng presidentiable ng donasyon at namimili lang ng mga tatanggapan dahil siguro ayaw ding magkaroon ng utang na loob na tiyak ding 'sisingilin' sa kanya sakaling palarin siyang maupo bilang pangulo.
Ang nakakabilib naman kay Sen. Manny, punumpuno ito ng determinasyon, lakas ng loob at fighting spirit dahil sa kabila ng 'paubos' na nga niyang pondo sa kampanya, wala pa rin daw itong balak umatras at kumbaga, laban kung laban!
Ohhh, so abangers na lang tayo sa ending kung win or knockdown si Sen. Manny Pacquiao sa Halalan 2022.





Comments