top of page

Hindi saklaw ng Animal Welfare Act ang aksidente sa daan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 10
  • 2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | September 10, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Ako ay kinakasuhan ng paglabag sa tinatawag na Animal Welfare Act matapos kong hindi sinasadyang masagi ang aso ng aking ka-barangay nang ito ay biglang tumawid sa kalsada. Kaugnay nito, nais kong malaman kung maaari ba akong makasuhan ng nasabing batas dahil lamang sa hindi sinasadyang pagkakabangga sa nasabing aso?


– Bena


Dear Bena, 


Ang sagot sa iyong katanungan ay hindi. Alinsunod sa Seksyon 6 ng Republic Act (R.A.) No. 8485, o mas kilala sa tawag na “The Animal Welfare Act of 1998”, as amended: 


“SEC. 6. It shall be unlawful for any person to torture any animal, to neglect to provide adequate care, sustenance of shelter, or maltreat any animal or to subject any dog or horse to dogfights or horsefights, kill or cause or procure to be tortured or deprived of adequate care, sustenance or shelter, or maltreat or use the same in research or experiments not expressly authorized by the Committee on Animal Welfare.


The killing of any animal other than cattle, pigs, goats, sheep, poultry, rabbits, carabaos and horses is likewise hereby declared unlawful except in the following instances: xxx” 


Ayon sa nabanggit, ang ipinagbabawal ng batas ay ang pagpatay, pag-torture, pagpapabaya, at pagmamaltrato ng mga hayop tulad ng aso. Ang mga aktong nabanggit ay nagpapakita ng intensyon na saktan o pagmalupitan ang mga hayop. Sa madaling salita, iba ang sitwasyon na saklaw ng nasabing batas at iba namang batas ang may saklaw sa mga aksidente sa daan.


Hinggil sa sitwasyon na iyong nailahad, malinaw na hindi mo sinasadya ang pinsalang natamo ng aso ng iyong kapitbahay sapagkat ito ay resulta ng aksidente sa kalsada. Sa madaling salita, hindi masasabi na may intensyon kang saktan o pagmalupitan ang nasabing hayop.


Ganoon pa man, depende sa karagdagang impormasyon na mapatutunayan at kung sino ang nagkaroon ng kapabayaan, maaaring pagbayarin ng danyos ang sino mang mapatutunayan na nagkaroon ng kapabayaan at nagdulot ng pinsala.   


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page