Hindi pagsasabi sa health insurer ng totoong kalusugan...

Dahilan upang ikansela ang contract of insurance
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | November 23, 2020
Dear Chief Acosta,
Maaari bang makansela ang health insurance contract ko sapagkat hindi ko sinabi sa aking insurance company na ako ay na-ospital noong nakaraang buwan dahil sa Dengue? - Fred
Dear Fred,
Para sa inyong kaalaman, ang batas na nakasasaklaw sa inyong katanungan ay ang Sections 26 at 27 ng R.A. No. 10607 o mas kilala sa tawag na Insurance Code of the Philippines kung saan nakasaad na:
““SEC. 26. A neglect to communicate that which a party knows and ought to communicate, is called a concealment.
“SEC. 27. A concealment whether intentional or unintentional entitles the injured party to rescind a contract of insurance.” (Binigyang-diin)Samakatwid, ang hindi pagsasabi sa inyong health insurer ng mga bagay-bagay tungkol sa inyong kalusugan, sinasadya ninyo man ito o hindi ay itinuturing na concealment at ito ay maaaring makapagbigay ng karapatan sa nasabing health insurer upang ikansela ang inyong contract of insurance. Ibig sabihin, maaaring makansela ang inyong health insurance sapagkat hindi ninyo sinabi sa inyong insurer na kayo ay nagkasakit at na-ospital noong nakaraang buwan.
Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyon na ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa abogado.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments